Jean Green
ni Bannie Bandibas
Isang gabing pangkaraniwan.
Gabing hindi ko inakala
Na ika'y muling masisilayan
Ng aking mga mata.
Ilang taon kong inasam
Na tayo'y magtatagpong muli.
Pagkakataong ika'y matanong,
Ngunit bibig ko'y walang masabi--
Pagka't kaba ko'y kumakatok.
Kahit puso ko'y sabik,
Utak ko'y pinipigilan
Akong nakaraa'y maibalik.
Pinili ko na lang na maging bulag
At bingi sa tunay kong nararamdaman.
Puso ko'y nais kang yakapin.
Gawin mo na, bulong ng mga boses sa akin.
Ngunit may isang Tinig na mahinang ibinubulong,
"Nakaraan mo'y iyo nang inialay sa Akin.
Paikutin mo na muna ang gulong
At huwag nang lumingon sa kung saan ka galing."
"Hawak Ko ang puso mo
At alam Ko ang makabubuti sa iyo.
Tandaan, manunulat Ako--
Ang Siyang gumagawa ng istorya mo."
"Ako ang magtatakda sa kung sino
Ang nais Kong makasama mo.
Kung siya bay kilala mo na
O kaya'y makikilala mo pa."
"Sa pagkakataon na iyong sinayang,
Pakiusap, wag kang manghinayang.
Dahil kung kayo talaga ang itinakda sa huli,
Kayo'y pagtatagpuin Kong muli."