Makata Sa Punso
ni Bannie Bandibas
Inakyat ko ang bundok nang mag-isa sa gitna ng kadiliman,
hindi alintana ang lamig at bigat ng mga tangan-tangan—
titigil, hihinga, hihikbi, tatawa, hahakbang uli nang dahan-dahan
habang ang mayuming musika ng kagubatan ay pinakikinggan.
Narating ko ang tuktok at napaupo sa isang malaking bato—
siyang nagkulay berde’t nilumot na dahil sa sobrang tanda nito,
sa kanya nananatili ang mga dalang istorya ng gumuhong mga puso
at ipininta ang latak ng mga halakhak ng muling pagkabuo.
Inilabas ko ang panulat at papel na simputi ng maliwanag na buwan,
hindi pa man nakalapat ay nagsimula nang bumuhos ang ulan
mula sa makulilim na ulap na nanggagalaiti sa loob ng aking isipan,
hinipan ang mga letrang sa wakas ay nakamit ang inaasam na kalayaan.
Pumikit, nagdasal, dumilat at nakarating ulit sa pinananabikang paraiso,
mga linya ng tulang may sukat at tugma ang daang nilalakaran ko
papunta sa nakatayong matayog na palasyo na gawa sa putik at bato—
simbolo ng tibay ng manunulat na may dalang kawili-wiling mga kuwento.
Ang pagdalaw dito sa mundong mahiwaga sa gitna ng magulong sanlibutan
ay pagtakas ng isang makata mula sa seldang masikip at walang kapahingahan,
ang ipagdamot sa mga nababagabag itong liwanag at kapayapaan
ay hindi hangad ng aking kapangyarihang maghatid ng kahulugan.
Halika’t samahan mo ako rito, kaibigan
nang mahika ng mga salita’y iyong matikman.
#flourbenderAPOEMFORACAKE