Ang
Uniberso Ng Pagkasupil Nina Calla, Luna At Sol
Mga Tula ni Bannie Bandibas
Saksi Ang Buwan Sa Pagkalupig Ng Iniibig
Nang ang minamahal ay nagsimulang
mabighani
at tumingala sa mga hinahangaang inaasam
at pinili—
labis na pag-ibig ang naramdaman at
namutawi
sa nakangiting mukha ng kanyang tinatangi.
Umapaw ang ilog ng mga pangakong di nababali,
sigurado’t suot na ang singsing—nagmadaling magpatali
ngunit sa isang iglap ay binawi ang mga nasambit
sa pari
at biglang nadumihan ang malinaw na
pagbabakasakali.
Walang tumpak at sigurado, wala nang
malinis na lutuang kawali
para sa mga sangkap ng sumpaan kaya’t
hindi na nanatili
sa altar na nilumot na—nakaaawang
nilawayang mga labi,
nasupil sa labanan ng pusong tapat at
budhing mapagkunwari.
Si Haring Araw At Ang Dulo Ng Kaniyang Pagsikat
Alam niya ang kung sino at ano siya,
kilala niya rin ang bawat isang
humihinga
at nabubuhay sa dagat man o sa lupa
ngunit hindi lahat ay naniniwala.
Nakalilimutan sa pagsapit ng dilim,
sa umaga nama’y hindi napapansin
ngunit sa tuwing sasapit ang pagkulimlim
ay laman siya ng mga panalangin.
Alam nila ang natatangi niyang halaga
subalit sa pagtitig ay nasisilaw ang mga
mata
kaya pinipili nitong pumikit at ibaling
ang tingin sa iba—
sa makamundo at panandaliang saya.
Kahit na hindi man siya lubusang ibigin
pabalik ay magpapatuloy ito sa paghain
ng liwanag niya sa mundong gutom pa rin
kahit na puno na sa mga laman na kinain…
Hanggang sa huli niyang pagkislap
at tuluyang mabalot ang alaapaap ng mga
ulap,
ni minsan ay hindi siya kumurap.
Kalawakang
Handa Sa Pagkatalo Ng Uniberso
Gaya ng dugong dumadaloy sa isang katawan,
naglalakbay rin ang buhay ng kalawakan
na kahit sa kadulu-duluhan at kasuluk-sulukan
ay kaniyang nabibisita at napupuntahan
upang mag-alay ng pag-asa sa mga pinagkaitan
kahit alam niya na titigil rin naman ang kamay ng orasan
sa pag-ikot at hihinto ang lahat ng sasakyan
na naglalakbay sa espasyong balot ng kadiliman.
Nakasulat na ang magaganap at nakaulat ang
mangyayari
sa pahayagang hindi naman sigurado kung sino ang
naglathala
ngunit alam ng puso kung saan iaalay ang
pananampalataya,
kung saang biyahe lalarga at saang eroplano o barko
mananatili.
Ang buhay ang magiging piloto mula sa pagkagunaw ng mundo
at siya na ang bahala kung saang kalawakan tutungo
ngunit kapag ang buhay ay di na nasaksihan sa dulo—
kailangang tanggapin ng mga pasahero ang pagkatalo…
Kahit matagal na itong handa at pinaghahandaan,
wala pa ring kasiguraduhan
dahil di natin labis na kilala ang kung ano man
ang tunay na katauhan ng kalawakan.
Ito ay lahok sa Saranggola Blog Awards 12
|
Logo of Saranggola Blog Awards
|
|
Logo of Cultural Center of the Philippines |
|
Logo of DMCI Homes |
LINKS:
www.saranggola.org
http://culturalcenter.gov.ph
http://dmcicorpsales.com
Ito ay lahok sa
Saranggola Blog Awards 12