Kampi Round4
#TNPSaKAMPI
#AngIkaapatNaHamon
#Sanaysay
ENTRY NO. 4
Masaya naman kami, 'yung tipong medyo panatag na sa isa't-isa, bago pa man nangyari ang lahat. May tiwala ako kaso di ko parin maiwasang mag-alala o maghinala. Likas na yata sa akin ang ganitong ugali na sa kasamaang palad ay hindi ko mabago-bago.
Kahit sa mga una kong napusuan sa klase man o dito sa lugar namin, kahit walang matatawag na kami ay puprutektahan ko siya. Sa una kong naging kasintahan, lapitan lang kahit ng mga kaibigan niyang lalake, ginagwardyahan ko agad. Ngunit pansin kong hindi na ako nakakatulong kundi nakakasakal na. 'Yung akala kong pag-aalala ay nagiging pagseselos at umaabot pa sa tampuhan. Iniisip ko kung okay lang ba siya ngunit di ko agad napansin na masyado na pala akong makulit na nagresulta sa isang masaklap na pangyayari.
Nagsimula isang hapon, kakatapos lang ng klase ko at pauwi na ngunit wala akong natatanggap na mensahe mula sa kanya. Kanina pa naman tapos ang klase niya ngunit bakit di siya nagtext na nakauwi na siya ng ligtas. Ito'y nagdulot sa akin ng kaba na baka kung anong nangyari sa kanya na may halong pag-iisip na baka gumala siya kasama ang iba. Dito na nga gumana ang pagka-praning ko at paulit-ulit ko siyang tinawagan. Tumutunog kaso walang sumasagot hanggang sa si Marianne Rivera na ang sumasagot sa akin. Napagod na ako sa kaka-dial kaya't hinayaan ko na lamang kahit puno pa rin ako ng kaba.
Hanggang sa gumabi na lamang ay wala paring nagpaparamdam. Kaya sinubukan ko ulit na tumawag ngunit wala pa ring sumasagot. Labis akong nangamba hanggang sa umabot sa puntong tinawagan ko na rin ang mga kasamahan niya sa bahay nila. Ngunit di ko natanaw na magdudulot pala ito ng isang bagyo na siyang sisira sa relasyon namin.
Sa lahat ng tinawagan ko'y iisa lamang ang sumagot, ngunit huli na nang masabihan niya ako ng masasakit na salita, mura at panlalait. May kirot ngunit hindi ko ito ininda at sa halip ay humingi ng tawad. Hinayaan ko na lamang na matapos ang gabi at itinulog ko na lamang kaysa maisip ko pa ang nangyari.
Pagkagising, 'yung akala kong isang magandang araw ay magiging maramdamin pala. Hindi parin mawaglit sa aking isipan ang nangyari at kung bakit hindi pa rin siya komukontak sa akin. Hanggang sa may dumating na mensahe mula sa kanya. Mga panunumbat na puno ng galit at mga salitang nagpapahayag ng pagtapos sa relasyong aming binubuo. Pagka't nakagulo ako ng pamilya, malala'y hindi basta-basta dahil relasyon niya sa kanyang Ama. Pinilit kong pakalmahin ang sitwasyon at gumawa ng paraan upang makatulong ngunit nagpalala lang ito sa gulong idinulot ko.
Nagwakas ang lahat ng isang iglap dahil sa isang galaw at pagkakamali. Nagdulot ito ng isang malaking sugat na humahapdi sa tuwing ito'y aking naaalala. Nasasaktan ako hindi dahil sa pagkasira ng pag-ibig kundi dahil sa nasaktan ko siya. Hindi ako nasasaktan dahil sa pagbitaw niya kundi dahil sa iniwan kong sugat sa kanya.
Tanggap ko ang lahat at mabuti na rin ang ganito na lamang kami. Kaysa may masaktan na naman sa iresponsable kong mga gawa. Ang akala kong samaha na magiging matamis ay naging lason dahil walang gumagabay. Aaminin kong lumihis kami sa tamang daan at nakalimutan ang Diyos na dapat ay palaging nasa aming sentro. Nagpadala ako sa mundo at naging makasarili.
Kahit sugatan ay pipilitin kong bumangon, nalulugmok man ay pipilitin kong ngumiti, nalulungkot ngunit ako’y tatawa, hindi dahil sa wala akong pakialam kundi dahil alam kong mayroon kaming natutunan. Ngayon ay hindi na magpapadalos-dalos at pag-iisipan na ang bawat galaw na may gabay.
Hindi parin ako makahingi ng tawad dahil sa kahihiyan at dahil sa alam kong hindi sapat ang salitang "patawad" sa naidulot kong pinsala. Ngunit umaasa ako na baka bumalik pa ang dati, 'yung sa kung paano tayo nagsimula, magkaibigan na kahit mag-away ay agad nagkakaayos at walang naiiwang sugatan.
![]() |
*Certificate of Recognition* |
No comments:
Post a Comment