Bannie | PleumaNimoX: DATU DIANGAS AT DIYOSA RANGANI

Search This Blog

Thursday, February 7, 2019

DATU DIANGAS AT DIYOSA RANGANI

#TNPsaKAMPI2

#AngIkalawangHamon

#PangkatKatapangan

ENTRY NO. 1

Datu Diangas At Diyosa Rangani


"Ihahabilin ko sa iyo ang ating bayan, buong puso mo silang pagsilbihan. Sa pamumukadkad ng bulaklak, ikaw ang dahilan yaring buhay at kapag nalanta, dugo, pawis at luha mo ang siyang ialay. Magpakatibay ka anak kong bukal ng lupa, dampi ng PAG-IBIG ang mag-aalis ng sumpa."

Ang mga huling salita ng kan'yang ama bago ito binawian ng buhay. 

Ngayon, naka-upo siya sa isang malaking bato, iniisip kung kaya niya bang pamunuan ang bayan. Kasama pa'y kalungkutan na dahilan ng pagluha. Tumayo siya't aalis na sana nang may naaninag siyang kumikinang sa karagatan. Unti-unti nagkaroon ng anino na naghugis dilag.

"Sino ka? Magpakita ka sa akin." Tanong niya nang may garalgal na boses. Nakadama siya ng matinding takot.

Akmang titirahin na sana niya ng sibat ang nilalang ngunit bigla itong sumigaw, "Wag! Kaibigan. Hindi kita sasaktan."

"Kaibigan? Sino ka?" Tugon niya.

"Naiintindihan mo ako?" Tanong ng dilag.

"Aba'y oo!" Naguguluhang sagot niya.

"Paano? Ngunit di bale na lamang. Nandito ako para tumulong, pansin ko kasing may bumabagabag sa iyo. Hindi ko rin alam kung bakit ako lumapit, may naramdaman ako sa iyo na hindi ko maintindihan." Paliwanag niya.

Biglang lumakas ang kinang ng kwintas ng dilag at naaninag ng binata ang mukha nito. Nakabibighani at agad siyang may naramdaman sa kan'yang puso.

"Ako nga pala si Rangani. Diyosa Rangani. Ikaw?" Dagdag nito.

"Datu Diangas. Ang walang kwentang anak ni Datu Bato." Malungkot na tugon ng binata.

"Nako! Bakit naman?" Sambit ni Rangani.

"Hindi ko alam kung paano ang maging pinuno. Wala akong ka ide-ideya kung paano maging isang pinuno. Wala kang silbi Diangas. Wala." Sumbat niya sa kan'yang sarili.

"Wag ka nang malungkot. Hayaan mong tulungan kita." Alok ng nilalang sa tubig.

Naging magkaibigan sila at araw-araw ay nag-uusap sa tabing dagat. Pinapayuhan ni Rangani si Diangas sa problema nito at ganoon din si Diangas kay Rangani. Nabawasan ang DALAMHATI ni Diangas mula sa pagkawala ng kan'yang ama.

"Teka! Sa tinagal-tagal nating nag-uusap, bakit hindi ka umaahon sa tubig?" Nagugulumihanang tanong ni Diangas.

"Nahihiya ako't natatakot." Tugon ni Rangani.

"Bakit? May hindi ba ako nalalaman? Maaari ka bang lumapit at ipakita ang iyong sarili, kaibigan?" Sambit ng Datu.

"Ayaw ko. Baka hindi mo ako matanggap." Sagot nito nang may panginginig ng boses.

"Wag kang mag-isip ng gan'yan. Ako nga, na napakumplikadong tao ay natanggap mo, ikaw pa kaya na labis ang kabaitan?" Paliwanag niya.

Nagkaroon ng ilang minutong katahimikan.

"Oras na siguro para malaman mo." Lumapit ang dilag at ipinakita ang totoo niyang katauhan.

Isa siyang kalahating tao at kalahating ahas sa tubig.

Nagulat si Diangas sa nasaksihan, napatayo at umatras. Napayuko ang dilag at akmang babalik na sana sa tubig.

"Teka! Saan ka pupunta?" Sambit ni Diangas na rinig ang takot sa boses.

"Alam ko namang magkaiba tayo at kailan ma'y hindi mo ako matatanggap. Patawad dahil sa tinagal-tagal ng pagkakaibigan natin ay ngayon lang ako naging totoo. Mahal na yata kita ngunit tadhana ang nagbabawal sa atin. Patawad." Malungkot nitong tugon.

"Naging totoo ka!" Sigaw ng Datu. "Mahal rin kita." Dagdag nito.

Napatingin ang dilag sa binata.

"Tanggap kita!" Paghimok niya na may kasamang pagngiti.

Naging maayos ang kanilang relasyon ngunit ito ang kanilang akala.

Isang nilalang na SAWI at tahimik na umiibig kay Rangani pala ang nagmamasid sa kanila.

"Rangani! Anong ginagawa mo? Tao siya, ipinagbabawal iyan sa ating batas." Pagtutol nito.

"Walang mali sa ginagawa namin, Dabaw. Walang maling pag-ibig." Tugon ni Rangani.

"Paano kung mahuli kayo? Pareho kayong mapapahamak." Sambit ni Dabaw. "Nag-aalala lamang ako sa iyo." Dagdag nito.

"Tumigil ka, Dabaw. Hindi mo lang talaga matanggap na hindi kita pinili. Ayaw ko sa 'yo at hindi na iyon magbabago. Patawad." Tinalikuran niya ito at agad umalis.

Napuno si Dabaw ng galit at pagseselos kaya't nagbalak itong ipahamak si Diangas.

---

Isang araw ay hindi dumating si Diangas sa kanilang tagpuan. Labis nag-alala si Rangani kaya't sinubukan niyang sumilip sa likod ng bundok na nakapaligid aa bayan.

Napansin niyang lanta ang mga pananim at tuyot ang lupa na tila nagiging disyerto na. Hinanap niya si Diangas ngunit hindi niya ito makita.

Sinubukan niyang makinig sa paligid, at nakasagap siya ng naghihingalong boses. Alam niyang si Diangas ito.

"Isa itong KULAM." Boses ng isang matandang babae. Napa-isip si Rangani, alam niya kung sino ang may gawa nito.

---

"Dabaw!" Galit na tawag ng dilag.

"Wala ka nang magagawa, Rangani. Mamamatay na siya." Natatawang sambit ni Dabaw.

"Halimaw ka!" Sumbat ni Rangani.

"Halimaw ka rin, baka nakakalimutan mo?" Pilosopong sagot nito. "Kaya hindi kayo pwede, bakit kasi hindi na lang ako?"

"Hindi kita gusto at kailanma'y hindi kita magugustuhan." Sambit ng dilag.

Labis na nagalit si Dabaw at naghamon ng dwelo. Hahampasin na sana siya ni Rangani ng kanyang buntot ngunit may narinig silang sigaw.

"Rangani! Mahal!" Boses ni Diangas.

Agad na lumangoy si Rangani sa dalampasigan. Sumilip at natagpuan niyang gumagapang si Diangas papunta sa karagatan. Labis na naawa si Rangani ngunit wala siyang magawa.

Napahagulhol na lamang ito sa pag-iyak hanggang sa napansin niyang umaakyat ang tubig kasabay ng pagbiyak ng lupa. May naisip siya at sa buo niyang lakas ay hinampas niya ang tubig na unti-unti tumibag sa kabundukan. Pinagpatuloy niya ito hanggang nagkaroon siya ng daan papalapit kay Diangas.

Nakarating siya ngunit hindi na humihinga ang Datu. Nabalot ang katawan nito ng dugo.

"Da— Diangas! Patawad." Umiiyak na sambit ni Rangani. "Maling pag-ibig nga siguro ito."

"Hindi, D—sa Rangani."

Nasilayan niya si Diangas na nakatingin sa kan'ya, pilit inaabot ang kan'yang kamay.

"Gusto kitang hawakan ngunit hindi maaari." Pagtanggi ni Rangani.

"Wag kang mag-alala. Samahan mo akong saksikan ang KAPANGYARIHAN ng pag-ibig."

Inaabot nila ang isa't isa, biglang naging abo si Diangas at naging bahagi ng tubig si Rangani.

Saktong pagsikat ng araw ay nagsilabasan ang mga mamamayan. Nagulat sila sa hiwagang nasaksihan. Yumabong muli ang mga pananim at naging masagana ang lupa. Lumapit ang karagatan sa kanilang bayan at ang mga bundok na nakapaligid dito'y tila niyayakap ang tubig. Isang ala-ala ng minsang nabuong ipinagbabawal na pag-ibig.


*Certificate of Participation*


Datu Diangas at Diyosa Rangani | February 8, 2019 | Katipunan ng mga Manunulat sa Pilipinas | Tawag ng Panitikan sa KAMPI: Ang Ikalawang Paglayag | Partisipante | Bannie Bandibas

No comments:

Post a Comment

A REVIEW ON: KAPOY NAKO

π Dili ni pwede basahon habang naa pud kay ginaagian ug maskin igawas lang sa usa ka lugar na daghang tao ang naay ginabati (e.g. ospital). ...