Tao Lang
Tao lang naman ako, tao lang.
Sa mga kakayahan ko'y maraming humahadlang.
Kahinaan, takot, hiya at pagdadalawang-isip
kung kaya ko ba—kaya hinahayaan na lang na maihip
ng hangin ang lahat ng oportunidad
at aking mga natatanging abilidad
na di ko kayang ipakita sa mundo.
Ni hindi maipakita kahit pananampalataya ko sa 'yo.
Masyado akong mahina para buklatin ang aklat,
di ko na magawang basahin ang iyong mga sulat.
Napapansin kong nawawala na ang aking lakas
pagkat ang puso ko'y hindi na sa 'yo nakabukas.
Kaya lumayo ako at nagtago kung saan,
sa dilim na nababalot at napapaligiran ng kasalanan.
Akala ko'y magugustuhan ko ang buhay dito,
pero hindi, pagkat lalo lang akong nabigo.
Nagsimula akong magmuni-muni
at sa salamin ay tiningnan ang sarili.
Hindi ako ito, hindi ako nababagay na maging sundalo
ng dilim at kasalanan pagkat ako'y anak mo.
Pinaglakbay ko ang aking paningin sa paligid,
natanaw ko ang lahat sa dilim—luha ko'y nangilid.
Natanaw ko ang mga ligaw na puso at sugatan,
kailangan nila ang kung anong aking tangan-tangan.
Siguro'y pinatungo mo ako rito para sa isang misyon,
ang gabayan sila patungo sa 'yo, Panginoon.
Doon ko lang naalala ang mga sinabi noong una,
"tao ka ngang pinakamahusay at pinakamaganda kong nilikha."
#KristiyanongManunulaWritingContest
![]() |
SERTIPIKO NG PAGLAHOK |
![]() |
SERTIPIKO NG PAGLAHOK |
![]() |
PASKIL NG KRISTIYANONG MANUNULAT |
No comments:
Post a Comment