Bannie | PleumaNimoX: KAHON

Search This Blog

Thursday, May 24, 2018

KAHON

Kahon

Pag-ibig na dating mainit,
ngayo'y lumalamig
kaya hindi ko na ipipilit--
mag-isa ko na lamang bibitbitin ang ating daigdig.

Iyon ang aking akala...

Nakatingin ako sa tv, pinapanood ang paborito nating palabas—habang ika'y tulalang nakatingin lamang sa malayo. Nakatitig sa punong mangga na dati nating inaakyatan noong tayo'y mga bata pa. Nandito tayo sa sala, nasa kabilang dako ka ng sofa. Tahimik, hindi nag-iimikan.

Mag-aapat na linggo ka nang ganito. Gusto kitang tanungin ngunit alam kong pikunin ka, kaya hindi na kita kinukulit. Ngunit nasasaktan ako, nabibigatan na parang wala kang pakialam. Siguro'y mag-isa ko na lamang bibitbitin ang binuo nating mundo, iyong ikaw at ako—dating pasan nating pareho. Dating mainit na apoy, ngayo'y naging malamig na yelo. Bakit ganito? Bakit ka nagbago?

Hanggang sa pagsapit ng gabi, hindi ka na sa akin tumabi. Mas pinili mo na lamang na mahiga sa sahig, kaysa yakap-yakap kita sa higaan.

27th night, February 2018—11:00PM

[Mahal is calling...]

[Answer]

"Hello? Mahal?" Naiiyak kong sagot sa kanya pero medyo natatawa kasi tumawag pa siya kahit nasa gilid lang naman siya ng kamang hinihigaan ko. Nagtataka ngunit nagpatuloy ako sa pagsasalita. "Ba't naisipan mong tumawag?"

"Pumunta ka diretso sa kusina bukas ng umaga, ipaghahanda kita ng mga paborito natin." [End of call...] Napangiti ako kahit seryoso at parang walang emosyon ang kanyang pagkakasabi.

Napasilip ako sa kung saan siya naroon at saktong pagbaba niya ng kanyang cellphone.

Kinabukasan ay agad akong tumakbo papunta sa kusina at nagulat sa isang malaking kahon ng washing machine na nakatumba sa gitna ng sala. Napatawa ako. "Ang sweet talaga ng lokong iyon." Anniversary rin kasi namin ngayon.

Tumuloy ako sa kusina at may sandwich, kape at barahang nakalapag sa lamesa. May sulat rin na agad kong binuksan at binasa.

--

"Happy anniversary sa iyo, aking Prinsesa! Mahal na mahal kita, gaya pa rin ng pagmamahal ko sa 'yo noong una kong inamin ang aking pagtingin. Ang sarap lang alalahanin ang nakaraan. Iyong peanut butter sandwich na inihahanda ni mama pagkatapos nating maglaro, tapos ipinapahid ko sa iyo ang palaman hanggang sa magkagantihan—ang dungis na tuloy nating tingnan. Ang weird lang din na pareho tayong mahilig sa kape, kahit ang bata pa natin ay feel na feel na nating magpuyat. Sabay din tayong napapagalitan kapag nahuhuli tayong naglalaro ng "tong-its" na madalas akong natatalo. Pati sa taguan ay agad mo akong nahahanap kasi alam mong sa kahon ng washing machine ako palaging nagtatago. Natatawa ako kapag naaalala ko ang mga bagay na sabay nating ginagawa noon—subalit mag-isa mo na lang yata na gagawin ang mga iyon ngayon." Napahinto ako sa pagbabasa at tumayo, inilapag ang sulat. Bumilis ang tibok ng aking puso nang may nahulog na piraso ng notepad mula sa envelope na pinaglagyan niya ng sulat.

Nagsimulang tumulo ang aking luha sa nabasa ko, napatingin sa kahon at kinuhang muli ang sulat.

"PS: Hindi ito taguan ngunit kung hindi mo na ako naabutan sa iyong pag-gising, alam mo na kung saan ako hahanapin."

Notepad: Feb. 1, 2018 Dr. Suarez—1 month


Kahon | May 25, 2018 | Bannie Bandibas

No comments:

Post a Comment

A REVIEW ON: KAPOY NAKO

π Dili ni pwede basahon habang naa pud kay ginaagian ug maskin igawas lang sa usa ka lugar na daghang tao ang naay ginabati (e.g. ospital). ...