"Binibini!"
Ayaw ko sanang lumingon ngunit muli na namang bumilis ang tibok ng aking puso kasabay ng pagkirot ng kaliwa kong balikat, napabaling ang tingin ko sa kanya. Kilala ko ang boses na iyon na siyang araw-araw na bumubulabog sa pagnamnam ko sa katahimikan.
"Lumiliwanag yata ang suot mong puting bestida, siguro masaya ka't nakalabas ka naman sa iyong lungga?" Sabay ng mapanukso niyang pagtawa. "Kumusta ang araw mo?" Sagot ko'y "maayos naman... Bago ka dumating." Napangiti siya't biglang tumawa nang malakas, humagikhik. Di ko namalayan na napapangiti na rin ako... Pero hindi pwede. Hindi ako pwedeng makaramdam ng ganito.
"Aakyat pala kami ng bundok bukas ng gabi, gusto mo bang sumama?" Masigla niya akong inanyayahan kahit di pa niya ako masyadong kilala. Siguro'y puro ang kanyang intensyon kaya napa-oo ako. Panahon na rin siguro para ipakilala ko siya sa tunay na ako.
Dumating ang gabing iyon. Gabing hindi ko malilimutan. "Teka, papalapit na tayo sa tuktok pero hindi ko pa rin nakikita ang iyong mga kaibigan na nakasunod sa atin." Pagtataka ko na may halong kaba. Napatingin ako sa kanya at bigla siya lumuhod. "Wala man akong dalang singsing at hindi ko pa alam ang iyong pangalan ngunit sana'y pagbigyan mo ang aking hiling na ika'y aking maging kasintahan." Napaluha ako, luha ng galak ngunit may takot.
Kumulog na't kumidlat, ilang minuto rin akong hindi nakasagot sa kanya hanggang sa... "Ako si Elle." Pagkasambit ko ng aking pangala'y kumirot na naman ang aking kaliwang balikat at nagdilim ang aking paningin, nawalan ako ng malay.
Sa pagdilat ng aking mata'y naaninag ko ang pula't bughaw na ilaw sa paanan ng bundok at iilang katawan na naliligo sa likidong mala-rosas, wala nang buhay. Napatingala ako't natagpuan ang bangkay ng aking mahal, nakalambitin sa sangang puno, at idinuduyan ng hangin.
May biglang nagsalita sa aking likuran. "Elle, aalis na naman ako. Huwag mong subukang tumakas ulit kung ayaw mong may mangyari na namang masama." Pagbabanta ng nakatuksidong mama. "Hawak kita sa balikat."
"Yes, Dad." Muling tumulo ang aking luha kasabay ng pagbuhos ng malakas na ulan at pagdampi ng hangin sa aking katawan na parang bang ako'y yakap-yakap ng binatang naging tigasalba ko. Itinutulak at hinihila sabay sa indayog ng musika ng gubat, isinasayaw sa gitna ng bagyo.
| Binibini ni Zack Tabudlo |
No comments:
Post a Comment