Bannie | PleumaNimoX: SARILING SANDATAHAN

Search This Blog

Sunday, December 30, 2018

SARILING SANDATAHAN

Sariling Sandatahan

Bago mo mabago ang bansa,
sarili muna ang dapat baguhin.
Bago ipagtanggol ang bayan,
katapangan muna ang buuin.

Kung ibabalik ako sa nakaraan,
siguradong wala akong silbi.
Paano ako lalaban para sa kalayaan
kung ikinukulong ko naman ang aking sarili.

Nakakulong sa pag-ibig--
pag-ibig na limot na.
Nakatali sa lubid,
mahigpit at patuloy na umaasa.

Kahit sa pagpupulong ng katipunan,
wala akong maipagmamalaki
pagkat rebolber ko’y pinaglumaan
at tabak ko’y nabalot na ng dumi.

Kung kaya ko lang tagain ang pagtingin,
barilin ang aking nararamdaman
ngunit di ko magawang basagin
pagkat pumapalya ang aking sandatahan.

Subalit nang…
Napatingin sa aking kamay,
at napansin ang isang lumang papel.
Pluma ay tangay-tangay,
sa kabila nama’y baril.

Kung hindi ko kayang itutok
ang baril sa puso ko,
gamit itong pluma’y ituturok
ang mga nais sabihin sa iyo.

Gamit ang utak ni Mabini,
mga salita’y susuriing mabuti.
Mga pananaw ni Rizal,
magsisilbing dasal.

Pagmumura ni Heneral Luna,
sa puso mo ipatatama.
Gagayahin ko si Supremo,
matikas akong tatayo sa harap mo.

Bibigkasin ang mga salita
na noo’y di ko kayang ipahayag.
Lalaban na ako, magiging matapang--
lalaya sa kulungan ng dilag.

Dilag na matagal kong kinapitan
ngunit pinili akong iwanan.
Hinding hindi na ako magpapakatanga,
nais ko rin namang masaktan ka
gaya ng sakit na idinulot mo sa akin
ngunit hindi kita kayang saksakin.

Hindi ka naman iiwang duguang nakabulagta
ng aking mga salita, papel at tinta.

#TintaAngAkingLaban


Sariling Sandatahan | 2018 | Partisipante | Bannie Bandibas

No comments:

Post a Comment

A REVIEW ON: KAPOY NAKO

π Dili ni pwede basahon habang naa pud kay ginaagian ug maskin igawas lang sa usa ka lugar na daghang tao ang naay ginabati (e.g. ospital). ...