Hindi Pula, Puti, o
Bughaw
ni Bannie Bandibas
Tatlong kulay,
hitik sa simbolismo't may kan'ya-kan'yang kahulugan.
Mga kulay na sa unang tingin, isang bagay ang agad nabubuo sa isipan—
ang watawat ng Pilipinas kong mahal.
Aking mahal—
ngunit simula nang matutong mahalin ang iba'y
nakalimutan nang mahalin ang sarili.
Sariling bayan na ipinaglaban ng mga bayani.
Rizal, Bonifacio, Luna—
nabigyan ba ng hustisya ang pagtanggi nila sa mga umalipin sa atin noon?
Lapu-lapu, Sacay, at tapang ng iba pang mandirigma'y nasayang nga lang ba
pagkat nagpasakop pa rin naman tayo, hinayaang dukutin ang mga puso?
Nasilaw sa kasikatan at tukso ng dayuhan,
kinalimutan ang dugong nananalaytay sa katawan—
naakit sa kinang ng kutis ng ibang lahi,
ikinahihiya ang pagiging kayumanggi at pango.
Ako ay Pilipino—
ikinalulungkot ko ang pagkamatay ng mga tradisyon at kultura ng ating lahi.
Nakatayo sa harap ng posteng pula,
hinihintay ang muli niyang pag-akyat.
Napayuko 'pagkat di ko matanggap ang nangyayari at nakikita—
Hindi pula, puti o bughaw ng watawat ng Pilipinas kong mahal ang aking
nasisilayan
kundi ibang kulay sa mga mata ng mga Pilipinong nakalimot o sinadyang kalimutan ang sariling bansa
at piniling maging dayuhan.
No comments:
Post a Comment