SAKRI-piso
ni Bannie Bandibas
Piso—ang pambansang barya
Na napapansin lang nila
Kapag panukli ay naubos na,
Kailangan ni Aleng Kahera.
Sa tuwing nabubutas ang bulsa
At wala nang mahita
Hahanapin nila.
Hahanapin ka nila.
Ikaw na noon ay nasasawalambahala,
Kahit taglay mo naman talaga
Ang kahalagahan, mahalaga ka
Subalit di ka pa rin nila nakikita.
Bulag, nagbubulag-bulagan sila
Dahil mas importante ang pangporma
Kaysa panlaman ng sikmura
At kalusugan ay nababalewala.
Ngunit nang ang krisis ay dumating,
Biglang umalulong ang mga daing.
Napunta sa inyo ang kanilang pansin,
Simbilis ng pag-ihip ng hangin.
Nais mo man na magtanim ng puot
At hayaan silang magdusa sa salot,
Hindi mabitiwan ang unipormeng suot—
Pagseserbisyo sa bayan ang nanunuot.
Dala may sandata o motorsiklo,
Nakabalot ng panangga o bitbit may bimpo—
Ika'y isang magiting na sundalo,
Handang sumabak sa ano mang gulo.
Inaasahan ngayon ng mga tao,
Pagkat hindi magawa ang mga gusto.
Tila ika'y isang dakilang sugo
Na handang mag-alay ng pawis at dugo.
Kahit, balang-araw, sa paningin ay maglalaho,
Ang kanilang pansin ay muling liliko
Kapag natapos na itong delubyo,
Magiging bulag na naman ang tao—
Handa mo pa ring suungin ang bagyo—
Mag-aabang sa eskenita't mga kanto,
Aalagaan, may kapansana't paralitiko,
At nakasukbit pa rin kahong kuwadrado sa motorsiklo.
Hayaan mong ialay ko itong pagsaludo para sa iyong sakripisyo.
Naging matibay ka nang naging mahina ang mundo.
Salamat at mayroon kang busilak na puso,
Kahit na ang sinusukli nami'y mumunti lamang na piso.
No comments:
Post a Comment