Armas-sarado
Nakasilong sa matandang puno ng Narra,
Bitbit sa kamay—mabigat na baril at mga bala,
Tanaw sa malayo ang minsan kong nilakaran—
Mabato, maputik, ano? Ano ba to?
Itong musmos kong mga palad, sawimpalad,
Mga paa kong pagod, pagod nang lumakad
Sa matatarik na mga bundok hanggang maabot ang tuktok
At nang maabot ang rurok ay dadausdos na naman pabalik.
Paulit-ulit, tila walang katapusan,
Kinakain ang utak ko ng kanilang mga kasinungalingan.
Pero kanino ako maniniwala—
Doon ba sa may pangako at may ginagawa
O sa pag-asa, masagana, mapayapa ngunit hindi ko naman nakikita?
Sa mga oras na ito, itong sandaling pagpapahinga
Ay tumitigil din ang aking mundong nahihirapan nang huminga,
Hihinga, malalim at buo, kahit masukal at amoy pulbura itong paligid ko—
Hihinga, dahan-dahan, nagmumuni-muni’t iniisip kung makakamit nga ba ang pangako?
Nakatingala, naghihintay na sana ay may tali na babagsak
Mula sa kalangitan at aabutin ako ng kamay na hahawak—
Sasagipin ako sa pagkalunod sa kahibangan,
Bibilang, isa hangang isang daan.
Isang libo, isang milyon, ilang milyong Pilipino
Ang may pagkakataong humakbang papalapit sa akin,
Sa amin—maraming pinto ngunit malabong magpatuloy
Kaya magpapatuloy na lamang ako sa paglalakad
Kahit hapong-hapo na.
Gusto kong umasa
Sa pag-asa, masagana, mapayapa.
Sana’y huwag tuluyang lamunin ang aking paniniwala,
O baka wala naman talagang nakahanda
Na mga yakap at mga kamay upang buksan
Ang pintuang matagal-tagal na ring nakasarado.
No comments:
Post a Comment