Pulang Lobo
Ako na may pulang lobong tinangay sa kalangitan,
Kahit piliting habulin ay hindi na maaabot
Gaya ng guhit sa labing tuluyang kinalimutan.
Sa simula ay napuno ng halakhak at tawanan,
Nagdiwang sila't hindi na maawat hanggang nalimot
Ako na may pulang lobong tinangay sa kalangitan.
Ako ay pinagkaitan ng tangi kong kasiyahan—
Wala nang ibang hiningi, iyon lang ngunit hinablot
Gaya ng guhit sa labing tuluyang kinalimutan.
Mga mata'y kumulimlim hanggang dumating ang ulan,
Nagtampisaw sa sariling luha't tinuring na salot
Ako na may pulang lobong tinangay sa kalangitan.
Naiparinig ang kulog na dala'y katotohanan
Pagkatapos mabulag ng reynang kidlat na madamot
Gaya ng guhit sa labing tuluyang kinalimutan.
Madaya ang kapalaran, binurang kaligayahan
Sa mukha ng batang ito, akong sinakop ng lungkot—
Ako na may pulang lobong tinangay ng kalangitan
Gaya ng guhit sa labing tuluyang kinalimutan.
#FWLCOMEBACKACTIVITY6
Tulang Villanelle
No comments:
Post a Comment