[π]
Marlon Jay "MJ Zyke" Calicdan
Para bang nanunuod ako ng isang dula na itinatanghal sa entabladong nakabukas na ang tabing bago pa man magsimula at alam ng lahat ng nasa bulwagan na hindi ito magsasara. Isang iglap, nagsimula sa kalagitnaan ngunit hindi malaman kung ang pagtatapos ang siyang katapusan. Parang pelikula, naiisip ko ang mga piyesa na tila mga eksena ng The Day After Valentines, 100 Tula Para Kay Stella, at Just a Stranger. Panandalian, isang minsan. Damang dama ang kilig na agad ring binawi at ang labis na lungkot na siyang nanatili, baka hanggang ngayon.
Napakagaling ng pagkakahabi ng awtor. Tagos sa kalamnan ang mga salita at linyang nakababagbag-damdamin. Baka siguro ganito ang reaksyon ko dahil naiugnay ko ang aking personal na karanasan na naganap din isang minsan. Maraming kwento rin ang nagbalik gaya ng naranasan ng bida ngunit ang tanging magagawa na lang namin ay ikwento ang mga ito . Tapos na ako, sana balang-araw ay siya rin. Manalangin tayong sa paghilom ng sugat ng mga taong ito, tawagin nating silang Hulyo. Tawagin natin ang ating mga sarili na Hulyo. Kalagitnaan ng taon, Hulyo ang pangalan ng mga iniwan sa gitna.
Talagang maramdamin ang likhang sining na ito. Tiyak kung mababasa ng mga dapat makabasa ay baka makagawa tayo ng kulto.
--Banuy
No comments:
Post a Comment