MusikARIA
(March 10, 2018)
Naririnig ko na naman ang malumanay na pagkala-kalabit ni tatay Juan sa luma niyang gitara. Isang musika na gabi-gabing nagpapatulog sa akin. Isang matamis na awit ang kaniyang ibinibigkas, “Ipikit ang iyong mga mata, magpahinga’t managinip ka. Matulog nang mahimbing munting bata, hayaang si antok ay dalawin ka. Hawak kita kaya’t ‘wag mangamba. Mahal na mahal kita aking Maria. Sabay tayong gigising na nakangiti, bukas, pagsapit ng umaga.” Mga salita at tonong paulit-ulit na tumatakbo sa aking isipan, na unti-unti ko nang nakakalimutan.
Noon ay sinasabayan pa ng sayaw ni inay, ngunit tila nag-iba—napagod na siya. Ang dating masayang hapagkainan na puno ng awitan, sayawan, biruan at magkasamang nagtatawanan ay naging tahimik.
Gusto kong maibalik ang sigla nitong pamilya ngunit wala akong magawa. Di ko na maibabalik ang buhay na nawala. Araw-araw ko mang ipagdasal sa Diyos ay hindi naman pwedeng pagbigyan, kahit na ang mga luha ko’y maging ulan. Kaya nagmumukmok na lamang ako dito sa aking kwarto. Ibinubulong sa sarili, nagmamakaawa na sana'y maibalik ang ngiti na nilamon ng lungkot.
Isinisigaw, “Itay, tumugtog ka. Patulugin mo ulit ako ng iyong kanta, upang tumigil na sa pagluha.” Ngunit walang sumasagot, kasi wala na. Inaalala ko na lamang ang musika at mga liriko upang hindi ako mangulila. Ngunit luha ko’y bumabagsak pa rin kapag naaalala kong imahinasyon ko na lamang pala ang lahat ng ito.
”Maria! Maria! nasaan ka? Anak! Handa na ang hapag.” Tawag sa akin ni ina na malungkot ang boses. Ngunit hindi ako tumutugon at nagpatuloy sa pagluha.
”Theresa! Tama na, wala na siya.” Naiiyak na sabi ni itay na nasa sala habang yakap-yakap ang kan'yang lumang gitara.
Author: Bannie Bandibas
*Certificate of Participation* |
No comments:
Post a Comment