#Dagli_KADLiT
#Dagli_Sigalot
ENTRY #16
Salamin Ng Buhay
Di ko alam kung bakit ako umiiyak. Umaalingaw-ngaw sa buong bahay ang sigaw kong hindi mo maintindihan kung anong tindi ng nararamdamang sakit o problemang aking nararanasan. Hangga't may telang ibinalot sa aking katawan at isang mainit na bisig ang yumakap na nagpaalis sa ginaw. Iminulat ko ang aking mga mata, tanaw ko ang matamis niyang ngiti—kasabay ng paghele niya sa akin. Isang Anghel.
Napalingon ako sa aking likuran at isang mahiwagang bagay ang aking nakita. Tinitigan ko ito, pansin kong ginagaya ng babae sa bagay na iyon ang aking ginagawa. Sinimulan kong tanggalin ang telang nakatakip sa aking ulo at nagsimulang humaba ang aking buhok. Pinagkumpol ito ng Anghel at tinalian. "Maganda ka!" Bulong niya sa akin.
Inilabas ko ang aking mga kamay at hinawakan ang pluma. Tiniruan niya akong magsulat ng mga letra. "Mag-aral ka nang mabuti upang bukas ay may maipagmalaki ka," sabay tapik sa aking balikat.
Habang ako'y natototo at naiimpluwensyahan na ng mundo, hindi ko na naririnig ang boses ng Dilag o baka hindi ko pinapakinggan. Napatingin ulit ako sa salamin at napansing may pagbabago sa aking katawan. Hinubad ko ang nakabalot sa aking hinaharap, nagulat ako sa aking nasaksihan. Tinakpan ito ng Anghel ng isang nabibinat na bagay pagkatapos ay nagpaalala, "Marami ang magbabago ngunit nandito lang ako palagi para gabayan ka, ligtas ka kapag ako ang iyong kasama." Ngunit tila may takip ang aking tenga, lumabas ng bahay at naghanap ng mga bagay na akala kong kasiya-siya.
Natangpuan ko ang mas malaking bersiyon ng bagay na nagpapakita ng aking repleksiyon. Nagkalat sa sahig ang itim na toga, medalya, at marami pang bagay na nabanggit ng Anghel na siyang magpapaligaya sa akin. Yumuko at nagsimulang pinulot ang mga ito ngunit napatigil ako. May humawak sa aking baywang, tuluyang nahubad ang telang nakabalot sa ibabang parte ng aking katawan. Nakadama ako ng sarap at binitiwan ang mga bagay na aking pinulot. Humarap ako sa taong iyon at nagaapoy siya, dama ko ang init na tuluyang nagtanggal sa natitirang ginaw sa akin—sa aking puso.
Napasilip ako sa aking tiyan at unti-unti itong lumulobo. Siyam na minuto ay may lumabas na isang nilalang mula sa aking sinapupunan, todo sa pag-iyak. Binalutan ko siya ng tela at niyakap, tumigil siya sa pagluha. Naalala ko ang Anghel, ganitong-ganito ang ginawa niya sa akin noon.
Napatingin ako sa aking harapan ngunit hindi ko na maaninag ang taong naglalagablab. Inilibot ko ang aking paningin at muling napatanaw sa bagay, mag-isa na lamang ako na karga-karga ang mahimbing na natutulog na nilalang. Napansin kong nagbago na ang hugis ng aking katawan, nangayayat at itsurang tila hindi nakakakain ng maayos. Bumalik ang ginaw sa aking puso at hirap na hirap sa pagkarga ng mga mabibigat na suliranin na dumarating sa akin. Nagsimulang tumulo ang aking luha, pagsisisi ang aking naramdaman. Ako'y nagkamali.
Naglakad ako at hindi napansing nasa harap na pala ako ng aming bahay. Pumasok ako sa loob na may takot sa puso, baka ang Anghel ay maging Demonyo kapag makita niya akong ganito. Sumilip ako sa pinto ng aking kwarto at natanaw siya. Nagbago na rin ang kaniyang itsura, kumulubot ang kaniyang balat. Napalingon siya sa akin at imbis na galit ay ngiti ang ibinungad niya sa akin. Dali-dali akong tumakbo papunta sa kanya, niyakap ng mahigpit—parehong init ang aking naramdaman. "Patawad Anghel, kung sana'y nakinig ako sa iyo ay hindi sana magkakaganito ang buhay ko. Patawarin mo ako." Isang mahigpit na yakap ang isinagot niya sa akin, humagulhol na lamang ako sa pag-iyak. Napapikit at nilasap ang bawat sandali.
Habang nagyayakapan ay biglang lumamig ang paligid kasabay ng paglamig ng yakap-yakap kong katawan. Tumigas ito at unti-unti nakakalas ang aking mga bisig sa pagkakayakap. Iminulat ko ang aking mga mata at natangpuan ang sariling nakasandal sa puting parihabang kahong gawa sa kahoy. Napatingin ako sa aking harapan at tanaw ko ang aking sarili na kamukha ng Anghel sa bagay na tinatawag nilang salamin—salamin ng buhay.
![]() |
*Certificate of Participation* |
No comments:
Post a Comment