DENRRO12 MONTH OF THE OCEAN & INTERNATIONAL MONTH OF THE REEFS
Spoken Poetry Contest
2ND PLACE (2nd Runner-Up*error)
Sa Letrang Ta
Hindi ako maglelektura
Or will just entertain you.
Magdidilat ako ng mga mata
At magbubukas ng saradong mga puso.
Gamit ang salita,
Mga salitang nabuo—
Dahil may nakikitang pag-asa,
Damdami'y nagsimulang magsilakbo.
Gagamitin ang isang letra,
Letrang Ta
Upang maipakita
Ang kan'yang halaga.
Halagang binabalewala
At di napapansin ng madla.
Kaya heto't sisimulan ko na
Ang pagbaybay ng mga talata.
Simulan natin sa Tu, Tubig—
Isang elemento
Na kailangan ng tao.
Dumadaloy mula sa lawa
Pababa sa ilog at mga sapa
Hanggang mapadpad
Sa dagat na malapad.
Malawak, misteryoso,
Maraming nakatagong kwento.
May kwentong iyo nang narinig,
Nagpasalin-salin sa mga bibig.
Nailahathala na sa buong daigdig,
Ngunit ikaw ba'y nakinig?
Humakbang tayo sa kaTo, kaTotohanan—
Na tayo'y nagbibingi-bingihan
Sa kanyang daing at pangangailangan.
Matagal na tayong may alam,
Ngunit tila walang pakealam
Sa totoong nangyayari,
Kahit alam na natin ang maaaring mangyari.
Nasisira, nadudumihan,
Dahil sa ating kapabayaan.
Hindi ka ba naaawa
O kahit nakukonsensya?
Kailangan na nating magTi, magTino—
Kailangan nang itigil
Ang kahibangang ito.
Pag-aakalang ayos lang ang lahat,
Ngunit kailangan nang maging tapat.
Alam mong apektado ka,
'Wag nang magbulag-bulagan pa.
May magagawa ka pa,
Tayo'y sama-sama—magkakaisa.
Kahit sino ka pa, si Te, Teresa—
Manuel, Juan, Pedro
Matino man o barumbado.
Kaya pa nating mabago
Ang pagkakamaling ito.
Simulan nating bigyang pansin,
Ang lahat ay kailangang ayusin.
Isang Ta, Tahanan—
Para sa mga nilalang na sumasabay sa agos
Kasama natin, noong ginawa ng Diyos
Ang mundo, ang tahanan mo—
Tahanan nating ngayo'y inaabuso.
Sa Letrang Ta—
Tama na
Itigil ang kailangang itigil.
Ang iyak ng tubig ay hindi na mapigil.
Bumangon ka't gumising na.
May magagawa ka pa.
Tayo! Tayo—
Tayong mga kabataan
Ang magiging pag-asa ng karagatan.
Nakikita mo na ba? Tara! Patunayan natin na tayo talaga ang matatawag na pag-asa.
(Original Piece)
*Plaque - 2nd Place* |
*Documentation 1* |
*Documentation 2* |
*Documentation 3* |
No comments:
Post a Comment