#EEEBehindTheTitle
"Pinatay Ko Si Mama"
Ako'y nag-iisang anak nila Ginoo at Ginang Hernandez na ang tahana'y nakahimlay sa paanan ng bundok. Mahirap ang buhay doon—walang kuryente, kanin ay kamote, ulam nami'y tuyo, sa kabihasnan ay malayo. Ngunit masasabi kong sa simpleng pamumuhay ay tunay ang aming saya. Malalakas na tawa ang sumasabog sa pagsapit ng dilim lalo na kapag nagsimulang magbiro si Mama. Hindi lang siya ilaw, kundi tubig na nagtatanggal sa uhaw naming mga labi—hatid niya'y ngiti.
Subalit nagbago ang lahat nang iwan kami ni Papa. Nauna siyang naglakbay papunta sa langit at nawalan na kami ng kaisa-isang suporta. Hindi ko pa ramdam noong elementarya ang hirap, ngunit habang tumatanda ay napapansin ko na ang pinagdadaanan ni mama. Ang mga ngiti niya ay nawawala na, sa loob ng bahay ay katahimikan ang kumakawala. Pagod mula sa trabaho, minsan pa'y nakakalimutan na niyang batiin ako. Kaya naisip ko na huminto na lamang upang makatulong sa kanya, ngunit ayaw niya—sa kadahilanang ayaw niyang matulad ang buhay ko sa kanila. "Magtatrabaho ako upang makapag-aral ka, magkaroon ng maayos na trabaho at masaganang pamilya", pangakong gabi-gabi niyang sinasabi habang hinihilot ko siya.
Naiintindihan ko si Mama, kaya hindi ko na pinilit at sa pag-aaral ay nagtiyaga. Ngunit nalulungkot ako dahil ang bahay namin ay nawalan na ng sigla. Binalot na ng lungkot, namimiss ko si Mama—ang dating siya.
Ngayon ay nasa kolehiyo na ako, panggastos dito ang dahilan kung bakit nangibang-bayan siya. Tuluyan nang nawala ang ngiti sa kanyang mga mata, sa pagpapaalam ay napuno ito ng luha. Humahapdi ang puso ko habang naririnig ang mga paalala niya, boses niya'y nag-iba—hindi na siya ang masiyahin kong Ina.
Pinatay ko si Mama, pinatay ko ang ilaw at pinihit ang gripo upang tumigil ang pagdaloy ng tubig. Ngayo'y uhaw na sa saya ang pareho naming nadarama. Ngunit pangako ko sa iyo aking Ina—bukas, sa pag-uwi mo ay muling bubuhayin kita at ang Mama ko ay muli nang tatawa, tatawa nang tatawa at tatawa pa.
*Poster* |
Pinatay Ko Si Mama | May 28, 2018 | El Escritor's Esfera | Behind the Title | Top 3 | Bannie Bandibas
Comments/Critiques:
Lae Salvador—sa huling paragraph, Ang galing ng pagkakahabi mo ng mga salita. Talagang dama, technical wise malinis siya. Ang galing. Sulat lang nang sulat!
Rea Rigor—Bawat salita, may ipinapahiwatig. Nagandahan talaga ako sa mga salita na nabanggit sa istorya upang magbigay kulay. Kahanga-hanga, isang masigabong palakpakan sa dalawang paa para sayo! Hahaha, charr.
Phoebe Agot Hinog—Maganda ang pagkakahabi ng mga salita. Nakaa-aliw basahin lalo na't mayroong tugma (ewan ko kung napansin ng ilan). Maganda ang istorya---tungkol sa simpleng pamumuhay at dagok sa loob ng pamilya na siyang nagdala ng suliranin sa kwento. Malinis. Maayos na nailahad ang bawat eksena. Gayon pa man, may ilang metapora na nakawiwindang ngunit, hindi ito naging sanhi upang mailihis ang aking atensyon. Kudos sayo! Haha!
Sho Victoria -
#EEEPointingTheirStrength
Siomaisilog
STRENGTH:
Vocabulary. Simple ang mga salitang ginamit sa piyesang ito. Ngunit alam ng sumulat kung saan at kung paano ito gamitin kaya nagkaroon ng makulay at “vivid metaphors” gamit ang simpleng mga kataga lamang. Tumatak sa akin ang isang parte ng kwento.
("Magtatrabaho ako upang makapag-aral ka, magkaroon ng maayos na trabaho at masaganang pamilya", pangakong gabi-gabi niyang sinasabi habang hinihilot ko siya.)
Dahil sa napakasimple ngunit may lalim na pagkakalahad ng pagmamahal ng ina niya sa kanya at pagmamahal niya sa kanyang ina.
Story Flow. This is a great example of short story-telling. May laman ang bawat salita. Maganda ang pagkakasunod-sunod ng mga pangyayari. Madaling intindihin. Naramdaman ko rin sa unang talata ang saya sa kabila ng hirap. At sa panghuling talata ay ang pag-asa sa kabila ng lungkot. Magaling magpadama ang piyesang ito. Napakatotoo ng mga pangyayari, mapapaisip ka sa kung anong mga sunod na mangyayari sa kabila ng simpleng pagkakakwento nito.
Ending. Ito ang pinakanagustuhan ko. Ang lakas ng dating ng ending. Maiiwan sa isip mo ang bawat salita dahil sa istilo ng pagsulat. May lungkot, may pag-asa, may paninisi sa sarili, at puno ng lalim ang mga pagwawangis na ginamit.
WEAKNESSES:
Wala akong makita, mahanap o mapuna na kahinaan ng piyesa na ito. Suhestyon na lang ang maibibigay ko.
Show, not tell. This piece was telling us a story. I felt the agony through words and metaphors but not through the story. The story was deep and simple. It has less dialogue and more monologue, but it has less “showing” and more “telling”
Put a bone in the flesh. Kumbaga, if there’s a statement, there should be something supporting that statement. Di ito applicable sa lahat ng piyesa ngunit tingin ko ay medyo applicable ito sa piyesang ito. Naintindihan ng mambabasa na nawalan ng sigla ang buhay ng ina niya mula noong sumakabilang buhay ang asawa nito. Nasabi rin ang paghihirap nila mula bata hanggang pagtanda kaya nangibang-bayan ang ina niya. That’s a bone in a flesh.
But the sudden attack of “Pinatay ko si mama…” in the last paragraph kind of lack a “bone”. Siguro, normal lamang ito sa totoong buhay. Na sisihin ang sarili. I get the whole point that blaming oneself is a part of this piece. But the whole thought na sisisihin niya ang sarili niya dahil pinatay niya ang kanyang ina lacks support in a way na sa kalagitnaan ng “pag-intindi” at “pagka-miss” niya sa kanyang ina ay tila bigla niyang inatake ang sarili niya.
Pero kung walang word limit ang aktibidad na ito’y sigurado akong mas mabibigyan pa ng suporta at build up ang katagang “Pinatay ko si Mama.”
Yun ay suhestyon lamang. Ang piyesang ito pa rin ang isa sa mga “almost perfect” na piyesang nabasa ko. Napakagaling. Napakalinis. Napakahusay.
Agbunag John Vincent - The title is mysterious. Nakuha ko rito ‘yung ‘medyo gulat factor’.
Kaso nga lang sa haba ng pagpapaliwanag. Parang nawawala na yung misteryo niya.
Sulat at review pa more!
No comments:
Post a Comment