Bannie | PleumaNimoX: ANG HABI, TATLONG TULA PARA SA PANDEMIKONG PANAHON

Search This Blog

Monday, April 6, 2020

ANG HABI, TATLONG TULA PARA SA PANDEMIKONG PANAHON

LINK OF THE FULL COPY OF THE ZINE


Tatlong Tula para sa Pandemikong Panahon

Takas Sa Kulungan

Ang tahimik ng paligid. Maliwanag.
Naririnig ko ang bawat yabag
Ng paang muling nakadampi sa lupa, 
Mga hakbang na simbolo ng paglaya.

Mas mabango ang paligid. Kalinisan,
At kapayapaan ang nasasaksihan.
Sabik kong inilibot ang aking paningin,
Masaya pero bakit puso'y malungkot pa rin?

Nakikita ko ang ngiti ngunit dama ang pighati,
Pagkat kami nga'y nanalo ngunit nanatiling sawi.
Nakaligtas sa dilubyong noo'y rumagasa, 
Ngunit itong lugar ay di na matatawag na bansa.

Bakit? Itanong mo sa akin, sa kanila.
Ang sagot nami'y iisa. Hindi ito bansa.
Pagkat walang bansa na ang mamamaya'y madamot,
Tipong ang iba'y nakahilata habang iba'y masalimuot
Ang kalagayan. Wala man lang mapagtaguan,
Pinabayaan kung saan, sa labas ng kulungan.

Nakaligtas nga kami't nanatiling buhay
Ngunit ang pagiging makatao'y tuluyang namatay.

LITRATO NG LAHOK



***
DAGDAG NA MGA LAHOK NA HINDI NATANGGAP:

Eksena Sa Higaan

Nakatitig sa kisame nitong kwarto.
Ano nga ba ang ginagawa ko rito?
Kasama ay isang magandang binibini,
Nakatali ang buhok at suot ay puti.

Lumapit siya sa akin at ako'y hinubaran, 
Inayos ang pwesto ng aking katawan.
Hinaplos ang mukha, ipinikit ang mga mata.
Parang sanay siya sa kanyang ginagawa.

Bigla akong nakadama ng sobrang init.
Ngunit di ako pinagpapawisan. Bakit?
Baka. Hindi. Sana'y mali ang nasa isip. 
Sana. Sana isa lamang itong panaginip.

Ayaw kong lumisan sa ganitong paraan,
Ganitong walang drama at mga iyakan.
Pakiusap. Ayaw kong maglaho dito sa mundo
Nang di man lang nayayakap ang mga mahal ko.

Tuluyang naging abo. Natapos ang buhay
At tila marami pa ang bilang ng namamatay,
Ngunit di ako nawawalan ng pag-asa.
Ang sakunang ito'y matapos na sana. Sana.

***

Alay Namin Ay Saludo

A—lay kayo ng Diyos sa mundo,
L—ikhang ikinatuwa Niyang likhain.
A—ng handugan kayo ng isang saludo,
Y—on ay ikagagalak naming gawin.

N—inakaw ng sitwasyon ang inyong oras
A—t nabugbog para lang kami'y pagsilbihan.
M—insan kahit ang trabaho'y lumagpas,
I—isipin na lang na ito'y para sa bayan
N—a labis n'yong minamahal.

A—mbag namin itong mensaheng patula,
Y—aman nawa'y tanggapin at magustuhan sana.

S—alamat sa pag-aalay ninyo ng buhay nang hindi pinipilit
A—t sa buong pusong paglilingkod kahit kalagaya'y maipit. 
L—akbayin man ay mahaba at nakakatakot suungin ngunit
U—masang inyong sakripisyo ay may kabutihang kapalit.
D—arating ang panahon na mawawala na ang mga sakit,
O—ras na payapa at malaya sa pag-aalala, balang araw ay makakamit.

PASKIL NG MGA KONTRIBYUTOR

LITRATO NG ISINA-PAPEL NA PUBLIKASYON

Tatlong Tula para sa Pandemikong Panahon | April 7, 2020 | Project Sigya TV | HABI | Kontribyutor | Bannie Bandibas

LITRATO NG ISA SA MGA PAHINA

LITRATO NG NILALAMAN

LITRATO NG HARAP NA PABALAT

No comments:

Post a Comment

A REVIEW ON: KAPOY NAKO

π Dili ni pwede basahon habang naa pud kay ginaagian ug maskin igawas lang sa usa ka lugar na daghang tao ang naay ginabati (e.g. ospital). ...