Benepisyo, Hindi Abuso
Nagtapos sa pribadong kolehiyo,
iginapang ng magulang kahit mahirap.
Di nabiyayaan ng maraming prebilihiyo
ngunit nagsikap upang maabot ang pangarap.
Nakaligtas sa mga libro't aralin,
pinilit ang sarili sa kabila ng dusa.
Hindi nagpatukso sa malayang bangin,
nagtiis sa depresyon at labis na pangungutya—
Ngunit bakit mas masaklap ang naabutan,
ang pangarap na inaasam ay nawasak.
Hindi ganito ang kanyang inaasahan,
isang mundong nabalot ng burak.
Inakalang oportunidad ay tila naglalaho,
problema't pagkalugmok ay lalong dumagan.
Walang mahanap na disenteng trabaho,
nasaan na ang plano ng pamahalaan?
Mga proyekto't programa, di mahagilap,
sa kapangyarihan ay umaabuso—mga suwail.
Ngayo'y naaapektuhan ang mahihirap,
sa sariling bayan ay pagkagahaman ang kumikitil—
Ngunit maaari pang umunlad ang ekonomiya ng bansa,
magtulong-tulong, pagbuklurin ang mga pananaw.
Sana bukas ay makita na ang pag-asa,
bago pa man sa kahirapan ay pumanaw.
No comments:
Post a Comment