Halik sa Bato
Malamig ang simoy ng
hangin sa inakyat kong bulubundukin. Mag-isa akong nag-hiking sa gitna ng
matataas na puno. Ang dahilan ng paglalalagalag ko ay upang makalimot sa
masalimuot na nangyaring pagsasamantala sa akin kaya pinili kong magkaroon ng
oras mag-isa at magliwaliw. Isa pang dahilan ng aking pag-akyat ay upang
humalik sa isang malaking bato na ukol sa sabi-sabi ay nagbibigay ng swerte sa
pag-ibig.
Habang papaakyat ako ay
may kakaiba akong naramdaman. Tila may anino akong naaninag sa magkabilang
gilid ko. Nakaramdam ako ng takot kaya binilisan ko ang paglalakad kahit
sobrang nakahihingal.
Nakarating ako sa bato.
Kulay berde ito dahil nakapalibot na lumot na parang nakakadiri ngunit pinilit
kong humalik. Wala rin namang mawawala kung maniniwala ako sa pamahiin.
Ilang oras ang
nakalilipas matapos kong makarating sa bahay galing sa buong araw na pag-akyat,
may masama akong nararamdaman sa tiyan ko. Baka may kung ano na nakasira ng
aking sikmura. Nang tumagal ay mas lalong itong kumirot kaya tumawag ako ng
ambulansya at isinakay nila ako papunta sa ospital.
Pagkarating ay sinuri
ako agad ng isang doktor at isang nurse. Nakangiti sila sa akin habang
nagsasalita ngunit di ko sila maintindihan. Napatigil sila sa pagsasalita nang
makita nilang akong nagsimula nang umiyak. Lumapit ang nurse. “Huwag kang
matakot, magiging maayos ang lahat. Alam kong unang beses mo ito pero
maalalgpasan mo rin ito.” Medyo naguluhan ako sa kanyang sinabi pero napatahan
ako.
Ilang sandali ay may
pumasok na isang lalakeng nakaputi na may dalang pagkain. Agad ko siya
sinabihan ng “pakilapag na lang po diyan, Nurse.” Tumawa lang ang lalake at
sumagot, “tawagin mo akong Mahal.” Nagulat ako at napatitig sa kanya. Lumapit
siya sa akin at nagsalita, “gagaling ka rin at sabay nating aalagaan ang
magiging anak natin.” Dumagdag pa ang doktor at nurse ng “Oo, anak, magiging
masayang pamilya kayo kahit na may sakit ka sa pag-iisip.” Napatulala lamang
ako.
Muling sumakit ang aking
tiyan, sa sobrang sakit ay napatayo at sinubukang lumabas. Pinigilan ako ng
lahat ngunit nagpumiglas ako at napasigaw, “natatae lang ako!” Lumingon ako at
napatingin sa unan na nasa higaan. Dolores Mental Hospital.
PASKIL NG FILIPINO FICTION |
Halik Sa Bato | June 9, 2022 | Filipino Fiction | 8th Flash Fiction Competition | Top 10 from Long List | Bannie Bandibas
PASKIL NG FILIPINO FICTION |
No comments:
Post a Comment