Sa Tuwing Sasapit ang
Alas Singko ng Hapon
ni Bannie Bandibas
General Santos City
(Ito ang ika-28 na entry sa Silap: Sulat SOX Flash Fiction Writing Contest 2020.)
Kinse minutos bago ang
uwian, nababalot na ang silid ng ingay ng mga mag-aaral. Ang lahat ay abala sa
pagligpit ng mga gamit, pakikipagkuwentuhan at paghahanda para umuwi.
Nakangiti akong
tinititigan ang kahoy na may pangalang nakasulat, Bb. Loren Yna Villafranca—Guro.
Sa pitong taon ko sa larangan ng pagtuturo, nasisiyahan na akong pinagmamasdan
ang kilos ng mga batang nakakasama ko sa paaralan. Namamangha ako sa mga
ginagawa, sinasabi at pinagkakaabalahan nila. Mga bagay na hindi ko naranasan
noong ako’y musmos pa lamang. Nagpapalitan sila ng mga ngiti at tawa. Ang saya.
Emosyon na nahihirapan akong maramdaman simula nang pagkabata.
Inilibot ko ang aking
mga mata hanggang saktong napatingin ako sa orasan, isang minuto bago mag-alas
singko. Nakatitig lamang ako sa paggalaw ng mga kamay ng orasan hanggang sa
isang kalabog ang kumuha ng aking atensyon.
Si Lyn. Hinihingal na
napaluhod sa harap ko. Puno ng pulang likido ang kanyang uniporme. Napatayo ako
sa tindi ng aking nasasaksihan.
Kita rin sa mata ng
ibang mga estudyante ang takot.
Napatingin si Lyn sa
akin. Balot ng luha ang kanyang mga mata. “Binibini,” sambit niya. Wala akong
akong maisagot, hindi ako makapagsalita sa sobrang panginginig ng aking mga
labi. “Wala po akong kasalanan,” dagdag nito.
Hinipo ko ang aking
dibdib, sinusubukang pakalmahin ang sarili habang humahakbang papalapit sa
batang babae.
Hinawakan ko kaagad ang
kanyang kamay nang makarating ako sa kinaroroonan niya sabay tanong, “Ano’ng
nangyari at bakit ka balot ng dugo?”
Nakaukit sa mukha niya
ang takot, pagkalito at tila hindi pagkaintindi sa aking tanong. Napayuko siya
at sumagot, “Palagi na lang kasi silang nag-aaway kaya tinapos ko na.”
Kinilabutan ako sa sagot
ng bata at lalo pang nadagdagan ang takot nang ipakita niya ang hawak niyang
patalim. Gusto ko na sana siyang bitiwan ngunit hinila niya ako patungo sa
kanya. “Binibini, wala po akong kasalanan.” Ang sabi niya sabay abot sa aking
ng kanyang hawak.
Nanginginig akong
tinanggap ito. Tinitigan at biglang napatanong, “Wala ka nga bang kasalanan o
hindi mo lang matanggap ang iyong nagawa?”
“Bb. Villafranca, ano na
naman ‘to?” tawag ng boses na nagmumula sa pintuan. Lumingon ako’t nasaksihan
ang isang pamilyar na mukha. “Tinatakot mo ang mga bata!” dagdag niya.
Lumapit siya at
hinawakan nang mahigpit ang aking kamay. Bigla akong napabulong, “Binibini,
wala po...” na agad niyang pinutol sa pamamagitan ng pagpigil ng aking mga labi
ng kanyang daliri. Sumagot siya. “Oo, nagawa mo iyon ngunit, pakiusap, iwanan
mo na iyan sa nakaraan. Lumaya at maghilom ka na, Lyn.”
#SulatSOXSilap
![]() |
POSTER NG SULAT SOX |
No comments:
Post a Comment