Nang Pumalaot ang Dahon
sa Lawa
ni Bannie Bandibas
General Santos City
(Ito ang ika-33 entry sa Silap: Sulat SOX Flash Fiction Writing Contest 2020.)
Isang binatang lumaki sa
siyudad—ako ‘yon. Di ko sukat akalain na mapapapayag nila akong pumunta sa
isang pamayanan sa gitna ng tahimik, at madilim na kagubatan. Ang buwan, mga
butuin, at lumang kandelaryo lamang ang ilaw.
Kinaladkad lang naman
kasi ako ng barkada, baka pwede raw kaming kumawala muna mula sa kinagisnang
selda. Magsisitapos na rin kasi kami sa kolehiyo.
Sa sobrang pagkaburyong
ko’y napag-isipan kong maglakad-lakad sa labas. Hindi ako masayahing tao ngunit
nakadama ako ng tuwa ng mapanood ko ang mga lumulutang na maliliit na ilaw, di
ko maitago ang aking ngiti. “Mga alitaptap,” sambit ng boses mula sa aking
likuran. Si Henry, ang pasimuno ng lahat. Napakunot ang aking noo ngunit
tinawanan niya lamang ako. “O—hindi pa rin ba humupa ang galit mo, Rick? Teka
nga, subukan mong makinig sa paligid.” Ayaw ko siyang sundin ngunit biglang may
unti-unting ipinipakinig sa akin ang gubat. Parang musika. Ang ganda. “Ngayon
mo sabihing nagsisisi kang sumama ka sa amin,” panghahamon niya. Binigyan ko
lamang siya ng matalim na titig at nagsimulang maglakad ng mabilis papunta sa
gubat.
Tinatawag niya ako
ngunit unti-unti itong humihina habang papalayo ako. Naabot ko ang lawa. Ang
ganda. Mapayapa.
Nakatitig lang ako sa
tubig hanggang sa isang iglap ay may isang babaeng umahon mula sa tubig. Walang
saplot na naglalakad patungo sa akin. Natumba ako sa aking kinatatayuan. Naging
mabilis ang kanyang paglalakad hanggang sa narating niya ang kinaroroonan ko.
Napapikit. Ilang saglit ay dumilat ako at bumungad ang kanyang mukha na sobrang
lapit sa akin. Ang ganda. Sinubukan niyang ilapat ang mga labi niya sa labi ko
ngunit iniwasan ko ito.
Bigla siyang tumayo,
ramdam ko ang kaniyang pagkadismaya. “Hindi mo ba ako mahal?” sambit niya
habang naglalakas paatras. Naguluhan ang aking utak sa kanyang tanong. “Maganda
ako, hindi ba? Ang aking musika, natutuwa kang pakinggan? Lahat ng iyong
natatanaw, ligaya ang dulot ng pagmamasid mo rito ngunit bakit hindi mo ako
kayang mahalin?” dagdag niya.
Napagtanto ko ang
kanyang ipinapahiwatig. “Hindi kita kayang mahalin dahil natatakot akong umalis
sa aking kinagisnan. Natatakot akong hindi na paniwalaan ang mga nakasanayan.
Natatakot akong husgahan at masabihang ipokrito, malabong tanggapin ang bago sa
paningin. Baka pag minahal kita, ayaw ko nang lumisan—maiwanan dahil pinili ko
ang aking nais,” sagot ko.
Biglang nagliwanag ang
paligid. Napatingin ako sa dilag at nagsimula siyang magliyab. “Hindi! Mali ka!
Kayang gamutin ng pag-ibig ang sistema at paniniwalang sarado. Ang tao, mga
hayop, at lahat ng may buhay ay nasasaktan lamang dahil sa pagkakulong. Ako,
ang kalikasan, ay napapahamak dahil sa paniniwala ninyong walang ibang daan.
Mas makapangyarihan ang paninindigan at pag-ibig kaysa takot!” huling sinambit
niya bago tuluyang naglaho.
Nanatili akong tulala sa
lahat ng aking nasaksihan hanggang sa may dumating. Si Henry.
“Rick, ano’ng nangyari?”
tanong niya.
“Henry, ayaw ko nang
matakot,” ang tanging nasagot ko sa kanya kasabay ng pagyakap. Pagtanggap sa
tunay kong nararamdaman.
Nilipad ng hangin ang
tuyong dahon papunta sa tubig ng lawa at hinayaang maglakbay, pinaghilom, at
pinalaya.
#SulatSOXSilap
SERTIPIKO NG PAGKILALA |
POSTER NG SULAT SOX |
POSTER NG SULAT SOX |
Nang
Pumalaot Ang Dahon Sa Lawa | October 7,
2020 | Sulat
Sox | Silap: Sulat SOX Flash Fiction Writing Contest 2020 | Admin’s Pick
Number 8 | Bannie
Bandibas
POSTER NG PAGBATI MULA SA WRITEAR'S SHEET |
No comments:
Post a Comment