Bannie | PleumaNimoX: BOSES SA LOOB NG LUMANG APARADOR

Search This Blog

Thursday, October 8, 2020

BOSES SA LOOB NG LUMANG APARADOR

Boses sa Loob ng Lumang Aparador
ni Bannie Bandibas
General Santos City

(Ito ang ika-35 entry sa Silap: Sulat SOX Flash Fiction Writing Contest 2020.)

Nakatunganga lang ako sa kisame. Iniisip kung saan na patungo ang buhay ko. Ano nga bang magiging buhay pagkatapos ng kolehiyo? Wala akong alam, ni wala akong mga plano.

“Carlo!” Tawag sa akin ng aking nanay.

“Po?” Sagot ko.

“Nandito ang mga kaklase mo, aayain ka raw sana nilang sumama para maghanap ng trabaho.” Sigaw niya.

Napakamot na lamang ako ng ulo.

“Nay, pakisabi na lang po na hindi na lang muna ako sasama.” Tugon ko.

Muling tumahimik ang paligid. Naramdaman kong ang kapayapaan ngunit binulabog ako ng pagkalabog ng pintuan.

“Carlo.” Sambit ni Inay na nakakunot ang noo. “Ano bang problema mo? Yong mga tao na ang lumalapit sa ‘yo. Wala pa ni isang beses akong nakilala na kaibigan mo simula elementarya. Mas ginugusto mong mag-isa. Ano bang problema mo, Anak?” Bulyaw niya.

“Wala naman pong mali, di ba? Maayos at masaya naman akong mag-isa.” Ang agad kong sagot.

“Maayos at masaya nga ba?” Tanong niya bago lumabas.

“Masaya nga ba?” Bulong ko sa aking sarili.

Nagkaroon ng ilang minutong katahimikan hanggang sa may biglang sumigaw. “Huwag!” Boses ng batang lalake. Kasabay nito ang malakas na pagkalabog at mga pagpukpok.

Hinanap ko kung saan nanggaling ang mga tunog. Umaalog ang lumang aparador ng lola. Nakaramdam ako ng takot.

Hindi ko na natiis at sinubukan kong magsalita. “May tao ba diyan?” Biglang tumigil ang pag-alog at may nagsalita. “Kuya? Maaari mo ba akong tulungang makalabas?” Sagot ng boses.

Lumapit ako sa harap ng aparador, na kinakabahan. Sinubukan kong buksan ang pinto ngunit nakakandado yata ito.

Muli kong kinausap ang bata. “Bata, parang nakakandado itong pinto, baka pwede mong mabuksan mula sa loob.”

“Kuya, wala po akong makita. Madilim. Natatakot ako.” Tugon niya.

Agad akong bumaba sa kusina. Mabilis kong hinalukay ang mga lalagyan na para bang tinutulak ako ng aking sarili na agad matulungan ang bata. Nahanap ko ang martilyo at umakyat.

Paulit-ulit kong pinukpok ang kandado ngunit napakatigas. Hinampas nang hinampas ko ang martilyo.

“Kuya, kung ayaw pong mabuksan ay huwag n’yo na lang pong pilitin. Dito na lang po ako.” Sabi ng bata.

Nakaramdam ako ng kalungkutan na dulot ng pagsuko.

“Patawad, bata. Hindi kita matutulungan.” Tanging nasambit ko.

Napaupo na lamang ako sa aking higaan, nag-isip kung anong maaaring gawin hanggang sa biglang nagliwanag ang loob ng aparador. Bumukas ang pinto, pumalibot ang makapal na usok at umihip ang malamig na hangin. Napapikit ako.

Biglang may bumulong. “Carlo, may liwanag sa loob mo. Kailangan mo lang hanapin nang matulungan mo ang sarili mong makalabas.” Tinig ‘yon ni Lola.

Naglaho ang usok at nakita ko ang salamin sa loob ng aparador. Nanumbalik ang lahat ng alaala noong una akong nagpasya na huwag nang magtiwala sa ibang tao. Nadama ko ang init ng yakap ni Lola noong pinatatahan niya ako sa pag-iyak habang sinusumpa ang lahat. Kailangan ko na sigurong lumabas sa aparador upang maghilom.

#SulatSOXSilap

 

POSTER NG SULAT SOX

Boses Sa Loob Ng Lumang Aparador | October 8, 2020 | Sulat Sox | Silap: Sulat SOX Flash Fiction Writing Contest 2020 | Partisipante | Bannie Bandibas

No comments:

Post a Comment

A REVIEW ON: KAPOY NAKO

π Dili ni pwede basahon habang naa pud kay ginaagian ug maskin igawas lang sa usa ka lugar na daghang tao ang naay ginabati (e.g. ospital). ...