#MMSaturDARE
Hindi Lang Saging ang may Puso
Dagli/ Romance
Bannie Numistmanunula Bandibas
”Sino nga kasi ang sinisilip mo diyan?” Nagtataka si Pagong. “Iyon—ang magandang dilag na anak ng magsasaka.” Nananabik na sumagit si Matsing. “Tila ika’y may pagtingin na sa dalagang iyan, ngunit pansin kong mali ang iyong nararamdaman.” Nagkumento ang pagong. “Bakit? Ano bang mali sa pag-ibig?” Sumagot nang pa-irap ang matsing.“Hindi ka maaaring umibig sa kanya, sapagkat hayop ka at tao siya—kayo’y hindi itinadhana." Nagpaliwanag si Pagong. Sinagot naman siya ni Matsing ng“subalit naniniwala ako sa kapangyarihan ng pag-ibig na kayang baguhin ang lahat, ni itsura at balat."“Naku, isa lamang iyang haka-haka, paki-usap kaibigan—magising ka sana.” Pailing-iling na nagpahayag ang pagong. “Di bale na, magmamasid na lamang ako at patuloy na aasa.”
Lumapit ang dalaga sa puno ng saging na pinagtataguan nila. Himutok nito'y "hindi ko yata maabot ang puso ng saging sa punong ito, mayroon kayang mag-aalay ng tulong sa binibining bigo?" Biglang nanabik ang matsing na baka pagkakataon na niya na magpakilala at tulungan ang dalaga.
Lumabas ang magkaibigan sa kanilang pinagtataguan. Agad nagtanong si Matsing. ”Binibini, may maitutulong ba kami?"“Maaabot mo ba ang puso ng saging na iyon? Maari mo ba akong tulungang makuha? ‘pagkat hindi ko matalon.” Nagmamakaawa ang dalaga. “Oo naman. Teka at kukunin ko para sa 'yo, aking prinsesa.”
Inakyat ni matsing ang puno at kinuha ang puso ng saging. Bumaba at ibinigay sa dilag.
”Maraming salamat ginoong Matsing, sa wakas ako’y makakapaghanda na ng pagkain." Nagtanong si Pagong. “Para kanino naman ang iyong ihahanda? Sa iyong ama ba? na buong araw na nagsaka?”Kinikilig na sumagot ang dalaga.“Tumpak, ngunit hindi lamang para sa kanya—maghahanda rin ako para sa aking iniirog na nagmula pa sa ibang bansa.”
Nakaramdam ng lungkot ang kawawang matsing na tila nadurog ang puso at ang utak ay tinangay ng hangin.
”Aking kaibigan, ang mga salita mo’y pawang katotohanan—hindi kami itinadhana, hindi ipinagtagpo." Napaiyak na lamang si Matsing. Marahang bumulong si Pagong.“Ngunit kaibigan, di mo naman kailangang sungkitin ang puso ng saging upang mahanap ang pag-ibig na inaasam."“Anong ibig mong sabihin?” Napatitig ang matsing sa kaibigan.
"Masyado siyang mataas para iyong abutin, di mo lang kasi nakikita na dito sa lupa’y may naghihintay din . Sapagkat HINDI LANG naman SAGING ANG MAY PUSO—mayroon din ako, na matagal nang naghihintay na mapansin mo.”
Lahok ko ito sa isang aktibidad noon sa Akademyang Pampanitikan bilang kasapi ng mga admin. Binuo ni Ate Apol at sinubukan kong salihan dahil tinulak ako ni Ate Jube. Unang beses kong sumulat ng dagli, pagsubok na nagdadalawang isip akong salihan. Nang mabuo ito ay masaya ako dahil kaya ko pala. Extra na lamang ang parangal. Hindi mo talaga malalaman kung hindi mo susubukan.
ReplyDelete