Bannie | PleumaNimoX: ANG SINAYANG KONG TATLONG ROSAS

Search This Blog

Sunday, March 4, 2018

ANG SINAYANG KONG TATLONG ROSAS

Ang Sinayang Kong Tatlong Rosas

Sa unang pagkakataon,
Pagkakataon na sinayang ko,
ika’y aking nasilayan--
namangha sa pagbabago.

Una! Nakangiti kang dumaan.
Napatulala lamang ako,
at ang tangi kong nabitawan
ay “Di ko na yata kilala ‘to”.

Di ko na siya kilala, nasaan?
Nasaan ang dating titibo-tibo?
Ngayo’y naging magandanghalaman,
rosas na umakit sa mga mata ko.

Hindi kita matitigan
at parang tangang payuko-yuko.
Maganda ka! Ngunit naisin ko man
ay hindi ko kayang sabihin sa ‘yo.

Pangalawa! Ang pagpasok sa bulwagan,
na sadyang hinihintay ng mga tao.
’Yung lalakad tayo ng dahan-dahan
habang nakahawak ka sa aking braso.

Nakapares ko ang iyong kaibigan
at binalak na ikaw ang sunod na makapareho.
Ngunit nang ikaw na ang humakbang,
tuhod ko'y naging yelo.

Ako ay naunahan, dahil kinabahan
at dinaga ang puso.
Ika’y pinagmasdan na lamang,
habang naglalakad ka papuntang entablado.

Pangatlo! Ang pinaka-pinagsisihan,
Isa na sanang ginto.
Pagkakataon na ika’y lapitan,
ngunit lumihis ang daan ko.

Isang rosas, ika’y aking hinanapan
upang ika’y maisayaw dito.
Naghanap at nabigyan,
kaso nagdalawang-isip ako.

Ika'y sandaling sinulyapan
at tumunganga ng ilang segundo.
Nagkaroon ng kalituhan
kaya't iba ang piniling bigyan nito.

Ngunit kahit nasayang man
ang mga rosas na dapat ay sa iyo,
Nagkaroon naman ako ng pagkakataon na ika’y masuotan
ng singsing, humiling na sana'y totoong kasalan na 'to.

Sinamahan kang maglakad sa gitna ng bulwagan
pagka't ito'y hiling mo.
Walang damdaming napilitan
dahil ito rin naman ang nais ko

Ako'y nagdarasal na sana’y hindi pa ito ang katapusan,
ika'y makilala pa ng husto.
Kahit tuluyan ka nang lilisan
sa hardin na kung saan tayo pinagtagpo.


LITRATO AT EDIT NG INYONG LINGKOD

Ang Sinayang Kong Tatlong Rosas | March 4, 2018 | Bannie Bandibas

No comments:

Post a Comment

A REVIEW ON: KAPOY NAKO

π Dili ni pwede basahon habang naa pud kay ginaagian ug maskin igawas lang sa usa ka lugar na daghang tao ang naay ginabati (e.g. ospital). ...