MAKULAY NA KALSADA
mula sa panulat ng Editor ng Alimpatakan
"Robi, mag-iingat ka!"
Kumaway lang ako pabalik kay ate na medyo nag-aalala. Ayaw pa naman niyang nag-iisa sa bahay. Sana maging maayos na ang lagay niya. Sana.
Naglalakad lang ako papuntang trabaho araw-araw kaya napapansin ko ang lahat sa daan. Napakaraming mga eksena at emosyon na ipinapakita sa akin na parang isang pelikulang pinaghalo-halo ang mga karakter.
May nakasalubong akong pulis na tulalang naglalakad palayo sa nagtutumpukang mga tao. Kilala ko siya. "Master Espina! Kumusta ka na, balisa ka yata?" Sinabayan ko ito ng pagtapik sa balikat niya habang nakangiti ngunit hindi natinag ang pagkadismaya sa kanyang mukha. "Ayos lang, Rob," tanging nasambit niya at tsaka nagpatuloy sa paglalakad.
Nahiwagaan ako't nabaling ang pansin sa kung saan siya nanggaling. "Ano kayang nangyari?" Gusto kong makitsismis ngunit mahuhuli na ako sa trabaho.
May nadaanan akong tindahan ng mga radyo. Napatingin sa isang matandang lalake na kinukumpuni ang isang transistor sa harap ng tindahan. Lumabas ang isang batang babae na may dalang pagkain. "O—Anak, nag-abala ka pang ihatid ang agahan ko. Nagmana ka talaga sa nanay mo." Ngumiti lang ang batang babae hanggang sa nagsimulang kumendeng. Napangisi ako. Napakamasiyahin niyang bata.
Ilang sandali ay may tumawag sa kanyang isa pang batang babae na akay-akay ang kanyang nakababatang kapatid. Nakangiti lang ito ngunit parang nakatatakot ang kanyang mukha. Walang pag-aalinlangang lumapit si Dianne. Hindi ko marinig ang kanilang usapan. Ang tanging mga salita na naririnig ko'y "si mama, si mama" na sinasambit ng batang akay-akay ng isa. Biglang napakunot ang noo ni Dianne at tumakbo papasok ng tindahan na para bang takot na takot.
Bumalik akong bigla sa ulirat mula sa eksenang nasaksihan ko dahil sa sigaw ng isang lalake. Lumingon-lingon ako't napatingin sa aking relo. Nagulat akong matagal-tagal rin akong natigil sa paglalakad. Binilisan ko na lang ang lakad na parang patakbo ngunit hinarang ako ng isang lalake, siya yata 'yong sumigaw. "Dong, tulungan mo kami. 'Yong anak ko. 'Yong anak ko." Tulala akong nakatingin sa kanya hanggang sa nabangga ako ng isang nakaunipormeng babae. "Tay, si Mark po?" Tumango lang ang lalake at agad na silang tumakbo papasok sa isang bahay. Gusto ko sanang tumulong kaso mahuhuli na talaga ako sa trabaho. Bawas na naman to sa suweldo.
Nagpatuloy ako sa paglalakad hanggang sa makaabot sa sakayan ng jeep. Buti'y mapupuno na ito nang makarating ako at agad nang bumiyahe. Sobrang tahimik sa loob ng jeep. May kumalabit sa akin na dahilan ng aking pagkagulat. "O—ba't gulat na gulat ka? Makikiabot lang naman ako ng pamasahe." Si Aling Emily, tinitigan ko lamang siya habang nakangising sobrang napahiya. Ngunit nakaramdam ako ng biglaang pag-aalala nang titigan ko ang kanyang mga mata, bakas pa rin ang lumbay na dulot ng pagkawala ng kanyang ina.
Agad akong napaayos ng upo nang mapansin kong malapit na ako sa gusaling pinagtatrabahuhan.
Sa aking pagbaba ay sumalubong sa akin ang isang batang may dalang diyaryo. Nakasulat sa headline na may pulis raw na nakabaril ng isang ex-military na may sakit sa pag-iisip. Naalala kong bigla si Espina, ang matalik kong kaibigan. Naaawa ako sa kanya dahil tila napakarami na niyang nasaksihan at nagawang karumaldumal dahil sa trabaho niya. Naalala kong noong nakaraang buwan lang ay nabaril din niya ang isang babaeng may kaso ng pagpatay sa sarili niyang anak. Nagpumiglas kasi ang babae nang ipapasok na siya sa selda at nang-agaw ng baril. Walang ibang nagawa ang kaibagan ko kundi kalibitin ang gatilyo para sa siguridad ng mga nasa presinto.
Nagising na naman ako mula sa pagkatulala dahil sa isang lalakeng tumatawa kasama ang isang babaeng nakaunipormeng pang-guro na nakaupo sa gilid ng kalsada. Nagpapalitan sila ng mga kaalaman, tila nagdedebate ngunit nagtatawanan na parang mga baliw.
Ilang saglit at may mga sundalong lumapit sa lalake, nagtitigan lang sila hanggang sa kumaripas ito nang takbo. Sinundan ko lang sila ng aking mga mata nang masaging bigla ng aking paningin ang isang magandang dilag. Napatingin din ito sa akin.
"Robi? Ikaw ba 'yan?" nakangiting bati niya.
Kunot-noo kong sinuri ang kanyang mukha, ang labo kasi ng mga mata ko, hanggang sa makilala ko siya. "Daya? Muntik na kitang di makilala."
"Ako nga rin eh, parang elementary pa tayo noong huli tayong magkita," natatawang sambit niya.
"Oo, sa klase ni Ginang Villanueva," sagot ko.
Bigla nag-iba ang emosyon sa kanyang mukha, parang maluluha. Naguluhan ako, may nasabi ba akong masama?
Napaturo siya at sinundan ko ito ng tingin. Iyong babaeng nakauniporme, kilala ko siya. Anong nangyari sa kay Ginang Villanueva?
*
Bumalik kami sa paglalakad. Oo, kasabay ko si Daya. Pareho lang pala kami ng gusaling pinagtatrabahuhan. Hawak-hawak ko ang kanyang kamay pagkat pinakausapan niya akong hawakan ito upang tumigil sa panginginig. Naiiyak siya at kailangan niya ng karamay. Naging sandigan niya akong bigla ngunit matagal ko na itong napaghandaan.
Napakamisteryoso ng kalawakan at nakagugulat ang tadhana. Sabi pa nila ay makulay raw ito gaya ng mga eksena sa kalsada pero baka iba ang aking paningin. Kasi hindi bahaghari ang aking nasaksihan kundi pula, puti at itim.
Mula sa panulat ng Editor ng Alimpatakan Zine.
#SOXZineFest2020 #AlimpatakanZine #WritearsSheet
No comments:
Post a Comment