Bannie | PleumaNimoX: AGILA

Search This Blog

Wednesday, April 6, 2022

AGILA

Agila
ni Bannie Bandibas

Nang sumabak ako sa kursong ito
Ay, aaminin ko, di ako sigurado
Kung kakayanin ko nga ba talaga
O baka ito ang lalagot sa hininga?

Ngunit pinili ko pa rin, sinubukan,
Kahit ito'y tila masukal na kagubatan.
Humakbang, pumasok sa kadiliman,
Di alam kung mayroon bang labasan
At ang tanging ilaw mo ay ito,
Itong puso ko na di sumusuko. 

Sa pagsuong mo sa gubat,
Mga masasaksiha'y ikagugulat.
Mga hayop ang sa iyo'y magmumulat.

Agresibong baboy ramo.
Bababuyin mo ang sarili mo
Sa puyat, sa gutom at walang liguan
Ng ilang araw, makapag-aral lang.
Ngunit wala pa ring napapala,
Bagsak na grado pa rin ang natatala. 

Kunehong alagad ni kupido.
Ito, bibihagin ang karupukan mo.
Ito, ang tinatawag nilang pag-ibig
Na kung saan-saan ka ikakabig.
Minsan, pataas. Minsan pababa.
Kakainin ang oras mo nang di sadya.

Dagang nagwawala.
Ito ang pagkawala
Ng utak mo sa iyong sarili—
Pagkat di na kinakaya ang hapdi
Ng di mo pagka-intindi
Sa pinag-aralan mong mga sipi.

Elepanteng dadaganan ka.
Ito ang mga bitbit mong problema.
Dahilan ng biglaan mong panghihina,
Kaya maiisipan mong magpahinga
O baka tumigil na nga talagang tuluyan
Pagkat ito'y nakaharang sa daan
Patungo sa pangarap na inaasam.
Mapapagod. Lalamlam.

Ngunit may isang hayop na aking paborito
Sa buong paglalakbay ko sa kakahuyang ito.
Sa dami ng humarang, ito ang magpapatibay
At tuturuan kang buong puso ay ialay. 

Ang agilang matayog ang lipad
Na kahit ang paa'y minsan sa lupa'y sumadsad,
Magpapatuloy sa pagpagaspas
Hanggang sa tuluyang makaalpas.
Maging agila ka't maging matayog sa pag-abot ng pangarap
Nang sa dulo ay tagumpay ang iyong malalasap.



Agila | April 7, 2022 | 13th NFJPIA 12 Annual Regional Convention | Bannie Bandibas

1 comment:

  1. Tulang para sa papel at hilaw para ibigkas. Hindi paglaban sa kontes.

    ReplyDelete

A REVIEW ON: KAPOY NAKO

π Dili ni pwede basahon habang naa pud kay ginaagian ug maskin igawas lang sa usa ka lugar na daghang tao ang naay ginabati (e.g. ospital). ...