Motorsiklo
ni Bannie Bandibas
Unang sagasa
Unang pagsalpak
Gaano ka man ka-bihasa
Maaari paring pumalpak.
Nang minsan akong naaksidente
Hindi ko hinanap ang presidente
Agad kong hinanap ang aking sarili
Huminga (haah), nagpahinga sandali.
Pinakiramdaman ang mga daliri
Buo pa ba? Mayroon bang nabali?
May kumikirot, gumuguhit sa kalamnan
May parte ng aking katawan
Na hindi ko maramdaman
Ngunit alam kong nandiyan.
Nakikita ko naman,
Di ko lang talaga maramdaman.
Utak ko'y humihingi ng tulong
Ngunit bibig ko'y di man lang makabulong.
Mas maingay pa ang pag-alulong
Ng sirena ng ambulansya na may walong
Segundo na lamang upang maisalba ang alon
Ng pagpintig ng pulso, tumatalon, tatalon, tumatalon, tapos (guguhit)
Hindi ako magtutunog politikal,
Napagtanto ko lang kung gaano ka-kritikal.
Kung nasa posisyon ako ng nahalal
Maiisipan ko pa bang magdasal?
Paanong hindi ako magigimbal,
Na sa lahat ng ginagawa'y
Nakagapos
Isinandal
Pinaagos
Sakal-sakal
Pinipilit makaraos
Mula sa anim na talampakang tubig,
Maduduwal.
Isusuka ang lahat ng aking pinangako
Lilitaw, hihimbing, mumulat, maglalaho.
Una akong nabansagang matalino,
Mahusay na pinuno, kayang maging puno
Para sa bansang makabayan
Subalit hindi totoong makatao—
Di nila akong nakikita bilang tao,
Basagulero,
Taranta—nalilito
Ngayo'y nandito, tuliro
Iniisip kung tunay bang nagampanan ko
Ang pagiging tagamaneho,
Pasahero,
Mekaniko,
Superhero
Ng pinakaiingatan kong Motorsiklo.
Pilipinas. Pilipino.
No comments:
Post a Comment