SWP-Tacurong 2019 ZINE FEST
S: Pag-ibig sa likod ng
kape at tinta
sa panulat ni Mary Divine Escleto
B: Magmahal ka ng isang manunulat
Na kahit ang mga mata'y puyat—
Ikaw at ikaw lang ang makikita,
Ikaw ang magiging paboritong paksa.
D: Huwag—sa isang manunulat,
Mga mata nito'y hindi napupuyat
Dahil sa hilig nitong magkape.
Matakot kapag ikaw ang parating paksa,
Madalas nakapanlilinlang ang kan'yang mga salita.
B: Kinahiligan nga'y kape
Kaya sa unang pagkikita,
Sa coffee shop kita niyaya.
Makalumang istilo. Tahimik ang paligid.
Tanging tibok ng puso na pangalan mo ang sigaw ang aking naririnig.
Gabay ko ang bawat pintig,
Kung saan ko ikakabig
Ang pluma.
Saan ibubuhos ang tinta—
Dito sa mga akda, sa bawat tugma
Na dahilan kung bakit ako humihinga.
Ikaw ang bumubuhay sa aking pagkamakata.
D: Minsan mo akong inabutan ng kape
Habang pinapakiramdaman ang hawak na tasang mainit, nakapapanibago itong alab ng pag-ibig.
Napansin kong ito'y sumasabay sa iyong panlalamig
Imbes na ako ay kausapin
Atensyon mo'y sa pluma't papel nakabaling
Hindi ko alam kung para saan aking presensya
Abala ka sa paghahabi ng mga katha
Sinama mo lang ba ako para may kasama ka
Na maka-isang dibdib ka sa iyong piyesa?
O isinama mo lang ako para may maisulat ka?
B: Nagsusulat ako para sa 'yo
Dahil dito sa magulong mundo
Ikaw lang ang nakikita kong liwanag.
Isinama kita hindi upang malinaw na makita ang paksa
Kundi upang maramdaman na sa estado ng buhay ko,
Nariyan ka't lagi kong kasama.
Subalit nang matapos ang isang daang tula para sa 'yo,
Umalis kang biglaan, ni hindi ginalaw ang kapeng binili ko.
Buhay ko ang pagsusulat, parte ka nito
Kaya hirap akong huminga minsan.
Noong una iniisip ko baka nasobrahan lang sa kape pero kalaunan,
Napagtantong lumisan ang aking lakas
Nang hindi man lang nagpapaalam.
D: Panulat ang sa iyo'y nagpapatatag
Tinta, nagsisilbing dugong bumubuhay sa akda
At ako ang papel na pinunit ko bigla.
Kasi ba naging magulo ang istorya?
O ako lang talaga ang paksang dapat binubura?
B: Maniwala ka,
Sinusulat ko pa rin ang kuwento nating dalawa.
Marami pang bakanteng pahina
Sana'y piliin mo pa ring ibigin ang isang manunula.
D: Hindi mo ba naririnig?
Ang pagwasiwas ng mga salitang pilit kumakawala sa ating mga labi?
Tulungan mo akong hugutin ang salitang mailap.
Patuloy kong binabasa ang iyong isinusulat kahit may karakter na hindi ko makilala.
Naliligaw na ako sa mga lugar
Nalilito sa mga nangyayari.
Hindi na maalis ang pagdududa
Sa unang saknong alam kong ako pa,
Sa gitna patungong huli—
B: Pakinggan mo ang aking mga tula
Na binase ang hugis sa hubog ng mga tala
Na siya ring gabay para tahakin ang landas patungo sa 'yo.
Alam ng tinta kung kanino siya inaalay,
Para sa 'yo. Para lang sa 'yo.
D: Hinanap ko ang ako sa sinasabi mong tayo.
Pero ang narito ay ikaw at ang kayo.
Gugustuhin ko na lang magbasa kaysa sa iyo'y makinig.
Ang puso kong bingi na.
B: Ayaw mo na bang mahalin ang manunulat?
D: Hindi.
Hindi ko kayang hindi mahalin.
At dahil sa hindi ko mapigilan,
Ako'y nagsusulat na rin.
B: Siguradong ako ang paksa.
D: Tama ka.
Sa mga akda ko'y binuburol ka na.
Pangalan mo'y inuukit na sa lapida.
Ipinagtitirik na ng kandila.
Matagal na kitang paulit-ulit na pinapaslang sa mga taludturan.
Ngunit—
B: Ngunit—
S: Sa pagtatapos ng araw
Sa pagsilip ng buwan
B: Maaari mo akong makalimutan
D: Panandalian
S: Ngunit sa pagdilat ng mga mata
Sa umaga
D: Alam ko
B: Alam ko
S: Alam natin
Na katulad ng larangang tinahak
B: Pagsusulat
D: At manunulat
S: Pa rin
Ang pipiliin nating mahalin.
SKRINSYAT NG BIDYO NG PAGTATANGHAL |
FACEBOOK VIDEO
Pag-ibig sa Likod ng Kape at Tinta | November 30, 2019 | Zine Fest 2019, Tacurong | Bannie Bandibas | Mary Divine Escleto
PITIK NG INYONG LINGKOD |
PITIK NG INYONG LINGKOD |
SKRINSYAT NG BIDYO NG PAGTATANGHAL |
PITIK NG INYONG LINGKOD |
PITIK NI TORYO |
POSTER NG ZINE FEST 2019 |
PITIK NG INYONG LINGKOD |
No comments:
Post a Comment