Bannie | PleumaNimoX: TATLUMPONG MINUTO

Search This Blog

Thursday, November 28, 2019

TATLUMPONG MINUTO

Tatlumpong Minuto

Pagkarating sa terminal ay sumakay na agad ako sa puting cab. Pagka-upo'y napayakap sa bag na matagal nang di nalalabhan. Pagod ang nararamdaman mula sa apat na oras kong pakikinig sa guro, dalawang oras na pagliliwaliw sa mall, at isang oras na pagsusulat ng aralin. Ang gusto ko na lamang ay makauwi at makapagpahinga. 

Napuno na't pinaandar na ni manong ang makina, pinihit ang manibela pakaliwa. Tatlumpong minutong kwento ay dito magsisimula.

Sobrang sikip sa kinauupuan ko ngunit di ko na alintana pagkat ang gusto ko na lamang ay magpahinga habang nasa biyahe. Paidlip-idlip ako at sinusubukang antukin subalit hindi ako makatulog. Madilim sa loob ng cab, hindi ko maaninag ang mga mukha ng aking mga kasama hanggang sa mapatingin ako sa kaliwa at nahuli ko siyang nakatitig sa akin. Una'y kinabahan ako dahil baka magnanakaw to at may balak na ako'y holdapin. Ngunit sa pagdampi ng kanyang tagiliran sa aking braso ay napansin ko ang balingkinitan niyang katawan. Babae.

Napa-buntong hininga ako at kumalma, di naman siguro ako sasaktan nito.

Nagtagal pa ang biyahe at nagsimula na akong antukin. Iyuyuko ko na sana ang aking ulo nang may sumandal sa aking balikat, nagulat ako ngunit pinilit kong huwag gumalaw. Malakas ang hangin kaya humahampas ang buhok niya sa aking mukha ngunit ang tanging nasambit ko ay, "pagod rin siguro 'to."

Hinayaan ko siyang matulog kahit napapa-idlip na ako. Tiniis kong wag bulabugin ang kanyang paghimbing. Sa bawat pagliko ay sinasabayan ko ang paggalaw ng kanyang ulo. Ginagawa ko iyon sa buong biyahe. Napapaisip tuloy ako, hindi ko naman ito kasintahan pero bakit ang alaga ko sa kanya. Hindi ko alam kung napipilitan lang ba ako o talagang naaawa.

Ramdam ko ang bigat ng kanyang paghinga, dama ko ang bigat na kanyang dinadala. Ilang iglap ako'y bigla na ring nakatulog.

Tatlumpong minuto ang nakalilipas nang isang malakas na pag-amba ng sasakyan ang nangyari. Sabay kaming nagalaw sa pagkaka-upo ngunit agad kong sinalo at kinabig ang kanyang ulo. Napasandal siya sa aking dibdib. Bigla akong kinabahan. Sa lakas ng pintig ng puso ko, alam kong ito'y kanyang naririnig. 

Napatingin ako sa paligid, kami na lamang pala ang pasahero.

Ilang minuto ang lumipas, habang hawak-hawak ko siya'y naramdaman ko ang pagdampi ng kamay niya sa akin. Nagulat ako nang kunin niya ito at hinigpitan ang kapit. Ibinalik ang pagsandal ng ulo niya sa aking balikat sabay sabing, "ginoo, maraming salamat."

Inalis niya ang kanyang ulo sa pagkasandal ngunit hawak niya pa rin ang aking kamay. Tiningnan ko siya't tinitigan sa mga mata, pansin ko ang puyat. Ebidensya ang namamaga at nangingitim na mga mata. 

Umiwas siya ng tingin at agad binitiwan ang aking kamay. Nabaling ang aking pansin sa drayber na unti-unting binabagalan ang takbo. Pagkahinto'y ibinalik ko ang aking tingin sa kinaroroonan niya. Nawala. 

Nawala, hindi parang bula ngunit parang alam na ni manong kung saan siya ibababa. Naguluhan ako't labis na nagtaka. Yung akala kong babaeng hindi nananakit, ako'y sasaktan din pala. 

Hindi pala pag-ibig ang nais niya sa pagsandal sa akin kundi kaginhawahan. Kaya noong nabulabog siya'y bigla niya rin akong iniwan. 

Nakarating ako sa bahay, nagpalit ng damit at inayos ang higaan. Sa aking paghiga'y bumalik ang ala-ala ng tatlumpong minutong biyahe. Naaamoy ko pa rin ang pabango niya, ang lasa ng buhok at dama ang mabigat niyang paghinga. Hindi ako napilitan at hindi rin naawa, kundi pinilit na ibigay ang kanyang nais kahit hindi handa. Subalit lahat ng pinipilit ay hindi mabuti at mapanakit. Tatlumpong minuto, pinaka-maikli na siguro sa listahan ng magkasintahan subalit naging masaya ako. Kahit walang label—masaya akong napaligaya kita sa tatlumpong minuto ng buhay mo.

#FlashFiction
#Memories

Tatlumpong Minuto | November 28, 2019 | Bannie Bandibas

No comments:

Post a Comment

A REVIEW ON: KAPOY NAKO

π Dili ni pwede basahon habang naa pud kay ginaagian ug maskin igawas lang sa usa ka lugar na daghang tao ang naay ginabati (e.g. ospital). ...