LABOR DAY 2019
Mapagkumbaba
ni Bannie Bandibas
Mga Sangkap:
a. Tunay na pagka-makatao
b. Kasipagan
c. Talino na may puso
d. Kakayahan
Pamaaraan:
Una.
Ang mga sangkap ay hugasan muna.
Maiging linisin ang budhi at konsens'ya
nang hindi magkaroon ng kontrobersya.
Pangalawa.
Panluto ay iyo nang ihanda,
Isama mo na rin ang mga pampalasa
nang mabigyang buhay ang opisina.
Pangatlo.
Ibuhos ang pagka-makatao,
isang mabuting empleyado.
Hindi mo naman kasi kailangang magpabibo
para purihin ng kahit na sino.
Pang-apat.
Dagdagan ng kasipagang sapat.
Mga Pilipino'y d'yan namulat.
Pagkat paano aasenso ang salat
kung tatamad-tamad at makunat?
Ikalimang padyak.
Puso ay ipatak,
kasabay ng paggamit ng utak.
Pagkat luto'y papait, tiyak
kung mga salita'y masyadong matulis ang tarak.
Huling pamamaraan.
Ihanda ang luto't silid kainan
nang naaayon sa iyong kakayahan.
Ang ipilit ang sobra ay hindi kailangan
para mapansin lamang at ang iba ay malamangan.
Produkto:
"Kung promosiyon ang gusto,
hintayin lamang ang panahon mo.
Manatiling mapagkumbaba
at tiyak may biyaya."
Natuwa ako sa piyesa kong ito na isang "sample" lang sana para sa isang pa-wricon namin sa SWPU. Parang lahok na gusto kong bigyan ng puntos kaso ako rin magbibigay ng reward kaya huwag na lang.
ReplyDelete