Ugat
ni Bannie Bandibas
Laganap ang kasamaan sa mundo,
Lumilikha ng mga away at gulo.
Mga pusong puno ng kasakiman,
Di nakukontento—lahat nilalamangan.
Mga batang lumalaking basagulero,
Imbis na lapis—hawak nila’y kutsilyo.
Mga batang mayaman ngunit pinabayaan,
Lumalaki at natututong maging gahaman.
Hindi na maikumpara ang peke sa totoo,
Dahil ang itsura nila’y pare-pareho.
Ang mali ay nagiging tama, napagkakamalan.
Nabubuhay na dala-dala’y kasinungalingan.
Saan nga ba nag-ugat ang lahat ng ito?
Sinong sisisihin? Sino ang nagplano?
Ang Diyos ba na lubhang makapangyarihan?
Dahil binigyan Niya tayo ng kalayaan?
Malayang gawin ang lahat ng gusto,
Kalayaang gumawa ng sariling plano.
Kalayaang magmahal at masaktan,
Kalayaang gumawa ng kasalanan.
Ngunit naisip mo ba na ang lahat ng ito
Ay hindi kalayaan kundi pagkabilanggo?
Maaaring ang ugat ay ang masalimuot mong nakaraan,
Ngunit ang manatili dito ay ang sarili mong bilangguan.
Sobrang ganda ng piyesa kong ito. Napakalalim na nasisid ko nang di nalulunod.
ReplyDelete