Bannie | PleumaNimoX: BULONG SA HANGIN

Search This Blog

Wednesday, April 6, 2022

BULONG SA HANGIN

Bulong Sa Hangin
ni Bannie Bandibas

Iminulat ang mga mata, umaga na naman.
Pinatunog na ang kampana ng simbahan.
Hinawi ang kumot, bumangon, dahan-dahan.
Simbang gabi na, panahon na inaabangan.

Puno ng pananabik sa unang araw.
Kahit di masyadong makagalaw
Pagkat nanginginig sa sobrang ginaw,
Humakbang at binuksan ang ilaw.

Gising na pala sila kanina pang ala-una.
Nagkakape, nag-uusap na may pagtawa.
Nagagalak ang puso, napupuno ng tuwa.
Ang sarap mapabilang sa ganitong pamilya.

Iyong hindi ko maisip, makita o mawari
Na kapag isang araw ay may trahedyang mangyari—
Ang mga tawa ba nila'y maririnig kong muli?
Ang mga pisngi ay dadalawin pa rin ba ng ngiti?

Lumipas ang mga araw at ito na ang huli,
Huling araw na kami'y magsisimbang gabi.
Hawak-kamay, nakikinig sa sermon ng pari.
Napahawak sa rosaryong sa leeg ko nakatali. 

"O Diyos ko!" Biglang nasambit ng bunganga.
"Salamat sa buong taon na nakasama kita.
Alam kong hindi mo ako pinabayaan, Ama.
Napatawad ang sarili at ngayo'y panatag na."

"Isang taon ang lumipas mula noong huling araw.
Tunog ng ambulansya ang siyang umaalingawngaw.
Huling araw noon ng simbang gabi at ang araw
Na nasilayan ang mga ngiti ng kanilang pagpanaw."

Ginulat ako ng pagtunog ng kampana ng simbahan.
Tumigil sa pag-iyak at ang pisngi'y pinunasan.
Natapos na ang misa, tumingin sa kalangitan.
Mag-isang magpapasko ngunit puso'y may kagalakan. 

"Ama, pakinggan mo sana ang mga bulong sa hangin,
Ang bawat nilang kahilingan at mga panalangin.
Kahit hindi na yong akin, pagkat tanggap ko na rin
Na hindi mo na sila maaaring muli pang buhayin. Amen."


Bulong sa Hangin | April 7, 2022 | Bannie Bandibas

1 comment:

  1. Nakakikilabot ang piyesa kong ito. Naisulat ko rin sa gitna ng malamig na gabi kaya mapanindig balahibo.

    ReplyDelete

A REVIEW ON: KAPOY NAKO

π Dili ni pwede basahon habang naa pud kay ginaagian ug maskin igawas lang sa usa ka lugar na daghang tao ang naay ginabati (e.g. ospital). ...