Dimensyon
Naniniwala ka ba sa ikalawang dimensyon?
Sa ikatlo?
Siguro, isang milyon?
O kulang pa ng isang libo?
Naniniwala ka?
Ako,
Pinipilit…
Yong sana ay mayroong ako
Na hindi ako.
Oo,
Medyo nakalilito
Pero gusto ko lang na makausap ang isang katulad ko.
Katulad ko na walang bahid ng ako.
Tanungin siya ng ilang katanungang bumabagabag sa akin,
Mga tanong na sinusubukan kong ipatangay sa hangin
Papalayo sa aking isipan
Na tingin ko’y dadalhin ko hanggang libingan.
Nasaktan ka na ba?
Nasugatan ang palad dahil
Nakipag-agawan ng hinihiwang papaya?
O napunit ang balat
Dahil pinaglaruan ang basag na botelya?
Hanggang sa tumanda ka
At nalamang hindi pala iyon ang pinakamasakit.
Nasaktan ka na ba
Na ikaw lang ang may alam?
Saan ka nagkulang?
Sumobra?
O sakto ka lang?
Pwede bang kalimutan na lang?
Nakaramdam ka na ba ng pagsisisi?
Yong nagulat ka na lang isang araw
Lahat ng pangako ay nabali?
Sana di mo na lang siya sinulatan ng tula,
Tuloy di ka na ulit makabuo ng tugma.
Tama bang naniniwala ka sa malayong pag-ibig?
Ngayo’y ang mahal kita’y di na mabigkas ng bibig.
Sana iniwasan mo na nuon pa ang kape,
Di na mawaglit sa isipan ang pait ng dati.
Masyado ka sigurong naging sweet,
Nagkadayabetis ka tuloy… Awit.
Pwede bang pagaangin ang mga sana?
Naging masaya ka ba?
Kahit minsan?
Kahit panandalian?
Sa mundo mo ba’y marami kang kaibigan?
O mga taong hindi ka sinukuan?
Naaalala mo ba ang mga panahong iyong nilisan
Ang lungkot, lumbay, at kapighatian?
Ang pagtawa mo’y di mo mapigilan.
Ilang beses ka nang tunay na sumaya? Ilan?
Dalawa?
Tatlo?
Siguro, isang milyon?
O kulang pa ng isang libo?
Naniniwala ka?
Ako,
Pinipilit…
No comments:
Post a Comment