[π]
Yong eksenang hatinggabi, tumatambay ka sa ibabaw ng bubong at nakatunganga sa kawalan saka pagmamasdan ang paligid. Binabasa ang mga pagguhit ng mga ilaw at pinakikinggan ang musika ng gubat. Sinusundan ang ilaw ng sasakyan na humaharurot, ang kumikindat na ilaw ng eroplanong napadaan lang, at iba pa. Gagawa ng kuwento, tula o liriko kasabay ng mga tunog ng kuliglig, ibon, pusa, aso at iba pang mga hayop at insekto. May hawak kang bote sa kaliwang kamay dahil pampunas mo ng luha ang kanan, nang maubos ay hihilata ka sa bubungan. Papaglakbayin ang mga mata sa madilim na kalawakan na parang ang pag-asa ay naksalalay lamang sa mga kumikislap na mga bituin, mag-iiwan ng linya ang bulalakaw. Hihiling ng katiwasayan, at paghilom.
Ganito ang atake sa akin ng mga piyesa sa librong ito. Tila isang palabas na laging lasing ang bida dahil ilang mga dahilan na kahit paulit-ulit ay parehong emosyon at reaksyon ang ibinibigay ng iyong utak at katawan kaya kailangan mong lumaklak. Kailangan mo ng magpapamanhid ng mga kalamnan upang di madama ang pangingirot ng iyong buong pagkatao, ng iyong anino.
Mahusay ang panulat ng awtor o editor nito, pati na rin ang mga piyesa ng ibang manghahabi ng mga salita na nakasama sa proyektong ito.
--Banuy
No comments:
Post a Comment