[π]
Minsan ko ring naging kaibigan ang dagat.
Minsan kong naging kalaro ang dalampasigan at dagat noong nakatira pa kami sa Bula, isang baranggay sa Gensan. Lumaki at itinaguyod kami ng aking Tatay sa panghuhuli ng isda, hanggang ngayon ay lumalayag siya sa lawod at kung matibay pa ang mga tuhod ay babalik-balikan pa rin niya ito. Nagkalaman ang tiyan ko dahil sa isda at paborito ko ang isda lalo na ang pakol. Saksi ang dagat sa hubad na ako, literal na kita ang pututoy noong aking kabataan. Lumayo kami isang minsan sa dagat upang mamahay sa bukid kasama ang mga tubo, mais, mangga at malawak na pastulan ng mga kambing at baka ngunit tinatawag pa rin ako ng dagat na bumalik sa kanya. Dagat, bakawan at ilog ang unang pumapasok sa isip kapag gumagawa ng proyekto para sa kalikasan noong parte ako ng YES-O sa hayskul. Audience ko rin ang Sarangani Bay sa Queen Tuna Park sa mga araw na gusto kong mag-emote noong kolehiyo at humalo ang mga luha sa mga tubig nito. Ang hangin ang nagpapakalma sa akin.
Ngunit bakit minsan ko lang naging kaibigan ang dagat? Dahil hindi palagi. Nabasa at napakinggan ko na ang mga kwento tungkol sa mga mananap o di ingon nato ng karagatan na palaging simbolo ng panganib. Nakakikilabot ngunit mas nakatatakot ang buhay, ang tao, ang dibel dibel nga tawo nga naa ang dagat. Minsan nagkukuwento si Tatay at nababalitaan ko rin ang mga dautan sa dagat, ang mga tulisan. Minsan na akong nawalan ng kamag-anak dahil sa bagyo sa dagat ngunit ang tao sa dagat ang mas delikado para sa akin. Umaabot ng ilang buwan hanggang isang taon at sobra pa minsan ang pananatili ng mananagat sa tubig sa mga malalaking kumpanya, delikado ang tao, ang mga kasama, ang isip gaya ng naikuwentong pagkitil ng buhay ng aming paryente dahil sa isyu tungkol sa kaniyang anak na babae, ang sarili na baka panghinaan ng loob sa mga pagsubok sa laut, at katawan na baka hindi kayanin. Nakatatakot ang tao sa dagat.
Dahil sa nobelang Jonas ni ate Hannah, nagawa kong balikan ang mga kuwento ng mga ano, sino, at kanino ng dagat na naipon—mga karanasan ng aking mga kadugo sa Leyte noon hanggang ngayon dito sa Mindanao. Sobrang naka-relate ako sa mga termino at pangyayari sa kuwento na labis ring nakaeengganyo dahil nakasulat sa wika kong nakagisnan. Buhay ang kwento ni ate Hannah, kinukutaw ang aking isipan ng bawat senaryo. Sa bawat pagsampa sa bangka, paglayag hanggang sa pagdaong—isinama ako nito. Magaling si ate Hannah magkwento. Sa pagbasa ng librong ito ko lang rin nalaman na ang nobelang ito ay hindi pala orihinal na para gawing nobela, nagmula ito sa isang kuwento na naging isang kabanata rito. Napaisip akong baka pwede ko ring gawing nobela ang mga kuwento ko, mga kuwento sa bundok, bukid at dagat lalo na iyong mito na inimbento ko noon para sa isang patimpalak. Hindi imposible, gaya ng pagka-"di impossible" ng pagkabuo ng nobelang ito. Worth the price and effort na absinan half-day sa work para mapalit.
Uso na siguro ang walkman noon, baka may bitbit si Jonas sa dagat tapos gipatugtog niya ang Gitna ni Davey Langit na for me—not solely meant to be a love song but a life song for people sailing. Naglalayag sa dagat na walang kasiguraduhan. Nakatatakot maiwan sa gitna. Hindi kailangan ng kasama na agad liliwan para masabi mong ika'y naiwan, kahit kasama mo lang ang iyong sarili--isang iglap ay iniwan ka ng iyong puso, pag-ibig, katinuan, at paghinga.
Naiwan si Jonas sa gitna, gitna ng dagat at gitna ng nakapalibot sa kanya. Walang magawa kundi humilata dahil iniwan rin siya ng kaniyang lakas ngunit sa bawat pag-iwan o pag-alis ay may posibilidad ng pagbabalik, kargahon niya usab si Odo, Duday ug iyang junior.
Sa mga nais magkaroon ng kopya ay maaari n'yo pong kontakin ang awtor sa kaniyang mga social media accounts—Hannah Adtoon Leceña, upang malaman kung paano umorder o saan maaaring bilhin ang librong ito.
--Banuy
No comments:
Post a Comment