Bannie | PleumaNimoX: April 2018

Search This Blog

Monday, April 30, 2018

NANILAW NA ANG ANTIPARA

Entry #13

NANILAW NA ANG ANTIPARA


Malabong mga mata,

Hindi ako mapipigilan.

Kahit palaging nadarapa,

Patuloy ako sa paghakbang.


Magtatrabaho hindi dahil

Sa aking nakaraan,

Upang bukas ay may butil,

O mabuhay sa kasalukuyan.


Kundi para sa kanila,

Silang umaasa sa akin.

Ang mahal kong pamilya,

Na buhay ko nang maituturing.


Sila ang dahilan kung bakit

Ako kumakayod, nagpapakatiyaga.

Titiisin ang bugbog at sakit,

Mapangiti lamang sila.


Pagka't ang mga ngiting aking nakikita,

Alay ay lunas at nagbibigay lakas.

Kaya gagamitin ko ang antipara,

Manilaw man ito at tuluyang kumupas.


Kahit malabo na ang paningin,

Dama ng puso ang saya.

Ang masuklian ay hindi ko hinihiling,

Hangad ko'y mabuting kinabukasan nila. 


*Certificate of Recognition - 3rd Placer (Top 4)*

*Entry Poster*


Nanilaw Na Ang Antipara | April 30, 2018 | Words of Art | Wricon |  3rd Place - Top 4 | Bannie Bandibas

Saturday, April 28, 2018

SWPU SUMMER HUGUTAN 2018


| Kuneho—Editor, Certificate Artist, Judge, Organizer
Spoken Word Poetry University
Writing Competition
Summer Hugutan—Balagtasan: Ang Binagtas Ni Balagtas
2018

Friday, April 27, 2018

MAMAMAHINGA TAYO

#PENtagonAnniversarySpecial
#PEN-Aralan

Mamamahinga Tayo


Sa tabing-dagat, magkatabing tahimik na nakaupo.
Sa paglubog ni Haring-araw ay nakatitig tayo.
Habang nakasandal sa bisig, mga damdami'y nangako.
Hanggang sa huling hininga, mananatiling nasa puso.

SERTIPIKO NG PAGLAHOK

Mamamahinga Tayo | April 28, 2018 | Bannie Bandibas

Tuesday, April 24, 2018

AKAP RANDOM ACTIVITY


| KunEho—Editor, Cerificate Artist, Judge, Organizer
Art by Ten Gramms
Akademyang Pampanitikan
Random Activity
2018

Saturday, April 21, 2018

Monday, April 16, 2018

LHALIE

Lhalie

By PleumaNimox


I caught her staring at me, 

Shouted "hi!" with a sweet tone. 

The time is quarter to three

In a hot burning afternoon.


She starts walking towards me, 

I smell something I want to throw. 

I stopped her, I will set her free--

That's why I replied, "Lhalie go!". 


#SummerSickness




Sunday, April 15, 2018

KAARTEHAN

#DEPRESSION
#LDAROUND2


Kaartehan
ni Bannie Bandibas

Bilyong tao sa mundo,
Lahat nakararanas.
Banyaga, Pilipino,
Walang nakatatakas.

Sakit sa kaisipan,
Lumala'y delikado.
Bigyang pansin, pakinggan,
Di ito isang biro.

Sabi pa nga ng iba,
"Kaartehan lamang 'yan".
Walang pag-uunawa,
Kaya nagbabangayan.

Sakit nga ba ang tawag
O ilusyon ng tao?
Sa kasikata'y dagdag
O problemang seryoso?

Ngunit kahit ano pa
Ang pagkakakilanlan,
Sakit itong malubha
Na lunas ang kailangan.

Hindi 'sang simpleng lunas,
Napakakumplikado.
Minsan pa'y naaagnas
Ang pag-asang gumaling 'to.

Sa mga dinapuan,
Pahirap itong tunay.
Apektadong tahanan,
Pati sariling buhay.

Ito ay emosyonal.
Gamot, nakatutulong,
Ngunit 'di natatanggal
Ng lubusan ang gulong.

Patuloy sa pagtakbo,
Preno'y di kumakagat.
Solusyon para rito
Ay Siyang higit sa lahat.

Lapit sa Panginoon
At ika'y gagabayan.
Tawagin man nila 'tong
Sakit o kaartehan.

POSTER NG BEHIND THE VERSES

Kaartehan | April 16, 2018, June 8, 2018 | LDA, Behind The Verses | Bannie Bandibas


Saturday, April 14, 2018

AKAP NOVELETTE ACTIVITY


| KunEho—Editor, Cerificate Artist
Akademyang Pampanitikan
Novelette Activity

KUMUPAST NA PAG-IBIG

KumuPAST na PAG-IBIG
ni Bannie Bandibas

                                 Kina[LIMUT]an ko na
                       ang pagibig [MO].
                                           [NA]karaa'y binura na, 
                                 kahit [ANG] totoo--

                              Ang [PANGAKO] 
                                         [NATIN] sa isa't-isa
                                            [NA] dala ko
                   pa rin ay [DI MAWAWALA] . 

                               Ngunit [ANG] init
            ay nawalan na ng [APOY]. 
                       Wala na ako[NG] maipipilit,
 Patatahimikin na ang [PANAGHOY] 
                       nito[NG ATING PAG-IBIG]. 

Photo©Re-anne Liegh Escoton Flauta
Editing©Pedxing

Kumupast na Pag-ibig | April 15, 2018 | Bannie Bandibas

CARMELO DELA CRUZ

#Conscriptors

#FirstContest

#Non-ConsCategory


Carmelo Dela Cruz


Carmelo Dela Cruz.

Pilit ginaya si Hesus,

Ngunit kademyoha'y namutawi

Sa kanyang mga mata't labi.


Ninais maging perpekto.

Kayamanan niya ang mundo.

Kasukdula'y pinilit maabot,

Tawag sa kanya'y salot.


Sigaw niya'y, "tayo'y magmahalan",

Nagiging anghel panandalian.

Ngunit nang bumaba sa entablado,

Lumalabas ang sungay nito.


"Asahan niyo ang aking tulong",

Isa lamang sa kanyang mga pangakong

Napako, napanis, nilangaw sa basurahan--

Pagkat hawak na niya ang kapangyarihan.


Kapangyarihang nasungkit ng suhol,

Mula sa mga botanteng ulol.

Nasilaw sa pera at bote ng tubig,

Pagiging tapat ay itinapon sa sahig.


Ngayon, sinong nagsisisi?

Sinong nagpahamak sa sarili?

Ang inakalang pag-asa,

Pinabayaan ang masa.


Carmelo Dela Cruz.

Nanumpa, Oktubre a-dos.

Hawak ang sandok at kawali,

Pinahirapan ang mamamayang sa kanya'y pumili.


Writer: Bannie Bandibas #65

*Certificate of Recognition*


Carmelo Dela Cruz | April 14, 2018 | Conscriptors Soldiers | Conscriptors Tintagisan, Audition Round | Passer | Bannie Bandibas

Friday, April 13, 2018

MENTAL ILLNESS

 #DNActivityMentalIllness


Ako'y nasa isang kumplikadong mundo

Na ang panalo ang siyang tunay na bigo.

Ang nagtitiwala ang siyang nagdurusa

At nakaaalpas ang mga utak talangka.


Pag-asa ang nais maramdaman,

Ngunit bitbit nila'y kasinungalingan.

Kapayapaan ang nais matamo,

Ngunit bakit may pagdanak ng dugo?


(c) Bannie Bandibas

#DamdamingNakapaskil 

*Certificate of Recognition*

*Poster*


April 13, 2018 | Damdaming Nakapaskil | #DNActivityMentalIllness, Contribution | Accepted | Bannie Bandibas

Tuesday, April 10, 2018

BALA


#ARAWNGKAGITINGAN
#1STactivitySecondround
#LDA

Title: Bala
Author: Bannie Bandibas

Magiting tayo sa maraming paraan,
Ngunit mayro'n lamang akong katanungan.
Ano nga ba ang tunay na kagitingan
At sino sa 'tin ang nagpapanggap lamang?

Sagot ni ina'y "hindi lang sa digmaan,
Kundi sa pag-ire mailuwal lamang
At sa kung paano mo aalagaan
Ang 'sang buhay mula sa sinapupunan."

Sagot ni ama'y "matibay na pagkayod,
Pangangailangan ay maitaguyod.
Ipakita mong hindi ka napapagod,
Mas mahalaga ang puso kaysa sahod."

"Buong pusong pagtuturo," ani guro.
"Sana ay bukas-palad na tanggapin mo
Ang pagod at responsibilidad dito
Sa propesyon at buhay na pinasok mo."

"Sumulat upang magmulat"--manunulat.
"Kung ang dahilan ay upang maging sikat,
Ibaba mo ang tinta at 'yong panulat.
'Wag hayaang mabulok ang isang ugat."

'Pagkat ang maging magiting ay 'sang puno
Na mayabong, dinidiligan ng puro
At malinis na tubig. Hindi 'to biro,
Kundi isang pangalan na dadalhin mo.

Pangalan na 'di simbolo na sikat ka,
Kundi isang katibayang may nagawa.
Kagitingang hindi lamang sa salita--
Ito'y pagkinang upang magbigay sigla.

Muli'y tatanungin ko ang bawat mata
At bibig na sa akdang ito'y nagbasa.
Nagbigay ba ng apoy at kuminang ka?
Totoo nga ba ang kagitingang dala?

April 11, 2018



Saturday, April 7, 2018

PAGLUBOG

Paglubog

Sa paglubog ng araw,
unti-unting dumidilim.
Ang langit na bughaw
ay kumukulimlim.

Sa paglubog ng mga puso,
malulunod sa sakit.
Pagtibok ay maglalaho,
wala nang lakas para kumapit.

Sa paglubog ng saya,
ang nadarama'y kalungkutan.
Mga mata'y nakapikit na,
wala nang oras para sa kaligayahan.

Ngunit hindi lahat ay kasawian,
liwanag ang dala't hindi dilim
'pagkat ito'y simbolo ng kapayapaan,
natutupad ang matagal nang hiling--sa pagsapit ng takip-silim.

 

LITRATO GAWA NG AI

Paglubog | April 8, 2018 | Bannie Bandibas

PAG-TIK-TAK NG ORASAN

Pag-tik-tak Ng Orasan

Tik-tak! Mahabang daan ang aking tinatahak,
nagdadalawang-isip kung ako'y muli bang sasabak.
Tik-tak! Mga luha ko'y patuloy sa pagpatak,
maaari nang makadilig ng isang hardin ng mga bulaklak.
Tik-tak! Dito'y sa mga pako ako nakaapak,
sa bawat paghakbang ay may sugat, paa ko'y sinasaksak.
Tik-tak! Ngunit sa pagtakbo ng oras, ako'y tinutulak.
Magpapatuloy sa paglakad maubos man ang dugo hanggang sa huling patak.

Pag-tik-tak Ng Orasan | April 8, 2018 | Bannie Bandibas

PAG-INOM NG KAPE

Pag-inom Ng Kape
ni Bannie Bandibas

Sa unang sabak, napapaso ako sa sagupaan ng ating mga labi
ngunit nandoon ang sarap ng bawat nitong pagdampi.
Huling lagok, hindi ka na mainit ngunit ako pari'y nasasaktan
'pagkat lumamig ka na't tamis ng pag-ibig mo'y 'di ko na malasahan.


Pag-inom ng Kape | April 8, 2018 | Bannie Bandibas

TIBOK NG PUSO

Tibok ng Puso
ni Bannie Bandibas

Ang pagtibok ng ating mga puso ay isang musika.
Ang nakaririnig lamang ng kanyang ganda ay ang mga pusong may tainga
at itinuring ang "Mahal Kita" na hindi lamang isang simpleng kataga.
Sa bawat pagbitiw ng mga salita ay pinipigilan ang paghinga
na parang sa sagot mo'y nakasalalay ang pagtibok ng puso at buhay niya.



Tibok ng Puso | April 8, 2018 | Bannie Bandibas



ALON SA DALAMPASIGAN

Alon Sa Dalampasigan
ni Bannie Bandibas

Matibay akong nakatayo sa may dalampasigan,
hinahayaang ang mga alon sa akin ay dumagan.
Nagbabasakaling itong sakit at pighating nararamdaman
ay tangayin ng tubig at di ko na muling maranasan.



Alon sa Dalampasigan | April 8, 2018 | Bannie Bandibas

Monday, April 2, 2018

A REVIEW ON: KAPOY NAKO

π Dili ni pwede basahon habang naa pud kay ginaagian ug maskin igawas lang sa usa ka lugar na daghang tao ang naay ginabati (e.g. ospital). ...