ENTRY #71
Tamang Walwal
Isinulat ni: Bannie Bandibas
"Tamang walwal
para sa taong walang nagmamahal.
Tamang walwal
para sa pusong di na muling magmamahal."
Paulit-ulit kong sambit
habang namimilipit ako sa sakit,
sakit ng pag-iwan mong nagbigay pait
at nagbilin ng mga tanong, bakit?
Teka! Minahal naman kita! Di ba?
Nagkulang ba o sumobra? Ano ba?
Ipaliwanag mo sa akin ang aking nagawa
o baka, wala nga talaga akong ginawa.
Gaya ng pag-ikot ng boteng ito,
naguguluhan pa rin ang utak ko.
Naguguluhan sa pagbitaw mo.
Huminto ang mundo. Nahulog. Nabasag ako.
Gaya ng boteng walang laman,
hindi ko matagpuan ang mga dahilan.
Nakatitig. Tulala. Patuloy na tinititigan
ang boteng walang laman. Mistulang kawalan.
Hanggang sa may kumalabit sa akin,
bigla akong natauhan at napatingin.
"Shin, hindi mo ba napapansin?
Sobra na. Masyadong ka nang lasing."
Sagot ko'y, "Sino ka ba
at bakit mo ako kilala?
Gusto ko pang malasing, isang bote pa.
Hayaan mong malunod sa alak kaysa luha."
"Malulunasan ba ng alkohol ang sakit?
Masasagot ba ng bote ang mga "Bakit"?
Sa maling walwal ka kumakapit,
kaya imbis na malunasa'y pumapait." Kan'yang sambit.
Dagdag niya'y "Oo, nasaktan ka at nakulong sa dilim.
Iniisip na ang mga tao'y talagang sakim.
Ngunit ang totoo'y, utak mo'y nqgsisinungaling
pagkat sayo'y may nagmamahal pa rin."
"Ba't di mo subukang malasing sa pag-ibig ko,
malunod sa mga pangakong hindi napapako.
Iyong pag-ibig na hindi kumplikado,
pag-ibig na nilagdaan ng tubig at dugo."
Huminto siya sa pagsasalita,
inabot ang isang librong parihaba.
"Ito ang aklat ng aking mga salita,
basahin mo't malasing ka sa pag-asa."
Tinitigan ko ang aking hawak,
binuksan at pag-unawa'y lumawak.
Kahit ang mga pahina'y may panaksak,
hinilum naman ang puso kong nawasak.
"Ito ang tamang walwal
para sa taong uhaw sa pagmamahal.
Ito ang tamang walwal
para sa pusong patuloy na magmamahal."
Bote. Bibliya.
Puot. Sigla.
Pait. Saya.
Salamat, Ama!
May 2, 2019 | Tamang Walwal | A Writer's Page | 5th Place, Judges' Choice Awardee