Nang Sinubok Ang Anak
Nakakulong sa kuwadradong napakatigas
na kahong gawa sa bangkay ng punong Narra—
pinipilit ang sariling makalabas, makatakas,
pagkat hindi ko na kaya. Hindi na makahinga.
Nagkukumahog sa pagpukpok at paghampas
ng sariling mga braso't binti na namamaga na,
nagmamanhid at tuluyan na ngang nanigas
ngunit pursigido pa rin para lang makalaya.
Inalog, binugbog at heto na nga sa wakas—
nalanghap na ang sariwang hangin ng umaga,
nakahinga't nakaramdam ng saya sa paglabas
ngunit bakit parang may mali? Dilim ang nakikita.
Ang tanging nakikitang liwanag ay nasa itaas,
hindi pa ba ito ang paglaya o lalaya pa ba?
Pinanghihinaan ng loob sa pagtakbo ng oras—
napaluhod na lamang, nawawalan ng pag-asa.
Talaga bang ang tadhana ay isang sakim na Hudas
o ito'y baka pagsubok lang muli ng aking Ama?
Kung napagtagumpayan ko ang kulungan at rehas,
tiyak ang bangin ay kakayaning akyatin ng mga paa.
Puso'y mananalangin at patuloy na mag-aaklas
pagkat nakikita ang liwanag ng Kanyang mga mata
na nagsasabing makakabangon ka at may lunas—
sa mababaw na hukay na ito ay hindi ako nag-iisa.
Nang Sinubok Ang Anak | June 3, 2020 | AkLit - The Unspoken | Pagsip-eak Poetry Writing Contest | Partisipante | Bannie Bandibas