Top10
Ang Sitsit
#NonConsCategory
Entry #8
Maaga kaming bumiyahe nila Jake at Karlos papunta sa barrio nila Karlos, naisipan kasi naming doon magbakasyon. Umidlip ako ng kaunti, pambawi sa naputol kong tulog hanggang sa nagising ako dahil sa malakas na pagkalabog ng pinto ng sinasakyan namin. Bumungad sa amin ang tatlong lalake na may malalaking katawan, mukhang mga tanod ng baranggay.
"Mga iho, saan kayo papunta?" Tanong ng lalakeng tila namumuno sa kanila.
"Ahm, di-yan la-ang po sa barrio sa-is." Sagot ni Karlos na nanginginig at napalunok pa ng laway.
"Ah, sige! Magi-inspeksiyon muna kami."
Habang sinusuri nila ang sasakyan namin ay may isang lalaking biglang nagsalita. "Kegagwapo naman ng mga binatang ire, huwag n'yong pagtitripan ang mga dalaga namin dito ha?"
Napatawa na lamang kami ng malakas at ako pa ang pinakabungisngis. Ngunit isinara ng kanilang pinuno ang pinto ng sobrang lakas na siyang nagpatahimik sa amin sabay sambit, "Seryoso iyon." Agad kaming kinilabutan. "O siya, ingat sa biyahe." Dagdag pa nito.
Nagpatuloy kami hanggang sa makarating na kami sa barrio nila Karlos, magdadapit-hapon na noon. Naabutan namin silang naghahanda para sa pangkatang hapunan, nakasanayan na raw nila ang ganito. Marami kaming nakasulubong na mga dilag ngunit sa iisang babae lang napako ang aking mga mata.
"Hoy, Drake—si Sarah ba?" Tukso sa akin ni Karlos.
"Sarah?" Tulala kong sambit sa kanya.
"Oo, pinsan ko iyan. Hayaan mo, may gagawin tayo mamayang gabi." Kinabahan ako sa sinabi ni Karlos, ano kaya ang binabalak nito?
Sumapit na nga ang dilim at inaya kami ni Karlos na kumuha ng buko. Kahit sobrang dilim ng paligid ay sumama naman kami.
Nagsimulang umakyat si Karlos at Jake. Hanggang sa may narinig akong tawanan ng mga babae.
"Drake, magpakabayani ka." Tawag sa akin ni Jake sa mahinang boses. Biglang lumikha ng tunog ang dalawa, sinisitsitan nila ang mga babae. Napasilip ako mula sa damuhan at nakita ko si Sarah at isa niyang kasama na mukhang takot na takot.
Sinita ko si Karlos at Jake. Huminto naman si Karlos dahil pansin niyang natatakot na ang mga dalaga ngunit si Jake ay hindi nagpapigil. Lalabas na sana ako upang puntahan sila Sarah ngunit biglang huminto ang pagsitsit. Nang nilingon ko ang punong inakyat ni Jake ay gulat kong nakita ang nakalambitin niyang katawan at pumutok pa ang leeg. Kumalabog naman ang katawan ni Karlos sa lupa na agad ay nawalan ng malay.
May tumalon na isang mabuhok na nilalang mula sa itaas ng puno. May buntot ito na itsurang lubid. Tinalunan ako nito sa ulo at nagbuga ng usok na may kakaibang amoy na dahilan ng aking pagkahilo.
Kinaumagahan, nagising ako sa ingay ng mga boses na nagtsitsismisan.
"Nabiktima ito ng sitsit." Sigaw ng lalakeng pamilyar ang itsura. Napaupo ako at napatingin sa aking kamay at paa. May mga bakas ito ng pinagtalian ng lubid. Napatingin ako sa lalake at mayroon din siyang mga markang katulad ng sa akin.
Napatitig siya sa akin ng masama. "Binalaan ko kayo!"
~wakas~
Mga puna:
A. Yay. Babala sa mga nagsisitsit. Hahaha.
Nakakatuwa ang kwento. Muli akong binalik sa pagkabata. Simple lang ang atake ngunit maganda ang pagkalalahad kaya naging maganda ang kinahinatnan. Congrats! —Meyn Delos Reyes
B. Sana may sitsit din tuwing may exam. XD
Ang kyut ng kuwento, hindi komplikado. Magaan lang sa pakiramdam kapag binasa. Nakulangan lang ako sa takot na dapat mong maipunla sa mga mambabasa pero naihayag mo naman nang ayos ang mensahe.
Sulat lang nang sulat! —Ethan Elmo Santos
C. Good luck sa pagsusulat.
Nagustuhan ko ito dahil sa temang horror at may hatid pang aral. Kailangan lamang na pag-aralan ang tamang pagsusulat ng mga dayalogo at iba pang teknikalidad na aspeto. —Xerun Salmirro
D. Hey,
Ngayon pa lang ay binabati na kita dahil umabot ka sa semis. Apir!
Wala akong masyadong kaalaman sa Sitsit maliban sa napanood kong movie na Haunted Forest, kaya for me medyo nahihiwagaan pa ako sa creature na ito. Iba ang depiction mo sa Sitsit dito at gusto ko rin na horror/mystery ang ginamit mo na genre sa entry mo na ito.
Mga ganitong horror ang gusto ko. ‘Yong tipong hindi ka matatakot habang binabasa mo siya; matatakot ka na lang after at pag na-realize mo na, “what if, napunta ako sa isang liblib na lugar tapos may ganito.”.
Magaling na tipong may nabubuong kulto rito sa lugar na ito… madalas sa mga kulto-kulto na movie at books ganiyan, e. Sa dulo biglang may susulpot na isang tao na nakilala ng isang tauhan sa simula. Haha! Well not necessarily kulto, parang grupo lang ng tao na nabiktima rin ng sitsit.
Para sa akin naman wala nang kulang sa story mo. Swak na swak lang! Apir! —Japs Bernardo
*Certfificate of Recognition* |
No comments:
Post a Comment