#AngPagwawakasNgDigmaan
#TheFinalWave
Bakit Tula?
Written form ng Spoken piece:
Bakit nga ba tula?
Maaari namang prosa,
Uri ng literatura
Na sinadyang mahaba—
Upang buong mailathala
Ang lahat ng nais maitala.
Madaling ipaliwanag,
Madaling maintindihan—
Walang babagabag
Na malalalim na tugmaan.
O 'di kaya isang dayalogo,
Hindi man buo
Ay madaling makabisado
Ang mga eksena sa kwento.
Sa bawat pagbitaw ng mga ito,
Masasakop mo agad ang mga anggulo.
Sa simpleng "mahal kita"
Hanggang sa "p're, hindi tayo talo."
Kaunting tapunan ng mga linya,
Dama agad ang emosiyon nito.
Pero bakit nga ba tula?
Bakit nga ba ako gumagawa
Ng malalalim na mga tugma—
Kahit simple lamang ang eksena?
Nais ko lang sigurong magbigay tuwa
O isigaw ang nasa puso ng isang makata.
Gaya ng mga akdang isinusulat,
Gan'yan din ang laman nito.
Mula kumplikadong pamagat
Hanggang sa malabong dulo.
Ganito ang aming mga puso.
Mga salita'y nabubuo,
Mga sukat at ritmo—
Di madaling maintindihan ng kahit na sino.
Pagka't ang tula
Ay ginawang espesyal
Ng bawat makata
Para sa mga bagay o tao na kanilang minamahal—
O...
Sa kanila'y sumasakal,
Depende sa sitwasyon.
Saya o sakit ay binubungkal—
Hanggang maging malalim na balon.
Sinlalim ng espasyo sa puso ko.
Upang mabuo ang isang kwento—
Hila-hila ang balde ng mga salita
At pinapanday at papandayin ng isang makata.
Ikaw? Para sa 'yo? Bakit nga ba tula?
No comments:
Post a Comment