ENTRY 27
Title: Palamuti sa Puno
Writer: Bannie Magallano Bandibas
May bagong salta sa aming bayan, isang binata na araw-araw nakasuot ng puting polo, bughaw na pantalon, pulang kurbata, kulay dalandan na sombrebo, kulay ube na medyas, berdeng facemask, kulay rosas na relo, gintong kwintas at sapatos na itim. Maraming dilag at kahit mga ginang ang humahanga sa kaniya hindi lang dahil sa malinis siya kung manamit, mala-niyebeng kulay ng balat at pagiging magandang lalake, pati na rin sa kaniyang mabuting pag-uugali—kahit ako ay napa-ibig na rin.
“Binibini, maaari bang hiramin ang inyong palakol kung mayroon man?” Dumungaw ang binata sa bakod ng aming bahay, napatingin lang ako at hindi umimik. Nagsimulang uminit ang aking pisngi at parang may mga langgam sa aking tiyan. “Ginoo, narito at sana sa pagbalik mo ng palakol ay huwag mo nang titigan ng ganiyan ang aking anak.” Napangisi ang binata, umalis at bago pa man nakalayo ay sumulyap muli sa akin. “Ama, pagbabanta ba iyon?” Tiningnan niya lamang ako nang masama.
Sa kalagitnaan ng gabi, habang inaayos ko ang mga tanim ng aking ina ay mag biglang nagsalita mula sa likod ng saradong tarangkahan. “Magandang dilag, nakabubulag ang liwanag nang aking masilayan ang iyon nakabibighaning kagandahan.” Napatayo ako sa gulat at kinabahan ngunit nang makita ko ang mukha ng binata, parang akong nagayuma. “Isasauli ko lang sana ang hiniram ko sa iyong ama.” Nagkadikit ang aking mga kamay sa pag-abot niya ng palakol. Nakaramdam ako ng kuryente, ng kilig.
Kinabukasan, bisperas ng pasko, umalulong ang ingay ng ambulansya, sasakyan ng pulis at iba pa na nagkumpulan sa malaking puno ng narra. Nagimbal ang lahat sa nasaksihan mula sa sariling mga tahanan, natatakot lumapit. Naging makulay ang puno dahil sa mga pinalamuting tinadtad na mga bahagi ng katawan at ang ilaw ng mga sasakyan ang naging Christmas lights—dagdag pa ang nakatarak na palakol.