Bannie | PleumaNimoX: July 2018

Search This Blog

Monday, July 30, 2018

HUNYANGA

Hunyanga

Ang mga mata mo
ay sin-bughaw ng kan'ya.
Ang hugis ng mga ulo
ay magkakurba.

Ang mga binti
ay magkasin-liit
at mga labi
ay kapwa marikit.

Ang mga braso'y makinis,
alagang-alaga.
Ngunit ikaw lamang ay kawangis,
hindi magiging siya...

Ang kaibigang
tinuring kong kapatid.
Tunay na kaligayahan
ay kaniyang hatid...

'Pagkat kalungkutan
ang alay mo sa akin.
Dulot mo'y kabiguan,
taliwas sa aking dalangin.

Kaya...

Kailan ma'y hindi,
hindi magiging ikaw si HUNYA—
o baka binibini,
'di na NGA siguro kita kilala.


Hunyanga | July 31, 2018 | Bannie Bandibas

Friday, July 27, 2018

BAKIT TULA

#PluMakataBOTP2018
#AngPagwawakasNgDigmaan
#TheFinalWave

Bakit Tula? 

Written form ng Spoken piece:

Bakit nga ba tula?
Maaari namang prosa,
Uri ng literatura
Na sinadyang mahaba—
Upang buong mailathala
Ang lahat ng nais maitala.

Madaling ipaliwanag, 
Madaling maintindihan—
Walang babagabag
Na malalalim na tugmaan.

O 'di kaya isang dayalogo,
Hindi man buo
Ay madaling makabisado
Ang mga eksena sa kwento.
Sa bawat pagbitaw ng mga ito,
Masasakop mo agad ang mga anggulo.

Sa simpleng "mahal kita"
Hanggang sa "p're, hindi tayo talo."
Kaunting tapunan ng mga linya,
Dama agad ang emosiyon nito.

Pero bakit nga ba tula?
Bakit nga ba ako gumagawa
Ng malalalim na mga tugma—
Kahit simple lamang ang eksena? 
Nais ko lang sigurong magbigay tuwa 
O isigaw ang nasa puso ng isang makata.

Gaya ng mga akdang isinusulat,
Gan'yan din ang laman nito.
Mula kumplikadong pamagat
Hanggang sa malabong dulo. 

Ganito ang aming mga puso.
Mga salita'y nabubuo,
Mga sukat at ritmo—
Di madaling maintindihan ng kahit na sino.

Pagka't ang tula
Ay ginawang espesyal
Ng bawat makata
Para sa mga bagay o tao na kanilang minamahal—

O... 

Sa kanila'y sumasakal,
Depende sa sitwasyon. 
Saya o sakit ay binubungkal—
Hanggang maging malalim na balon. 

Sinlalim ng espasyo sa puso ko.
Upang mabuo ang isang kwento—
Hila-hila ang balde ng mga salita
At pinapanday at papandayin ng isang makata.

Ikaw? Para sa 'yo? Bakit nga ba tula?

POSTER NG PLUMAKATA


FACEBOOK VIDEO

Bakit Tula | July 27, 2018 | Plumakata | Battle Of The Poets 2018 | Top 2 | Bannie Bandibas

Wednesday, July 25, 2018

ACTIVE NOW

Active Now
ni Bannie Bandibas

Habang umiilaw pa
Ang berdeng tuldok, 
Patuloy na aasa
At maghihintay sa sulok. 

Nagbabakasakali
Na balang araw, 
Ang minimithi
Ay tuluyang matanaw.

Tayo, sa wakas ay makawala
Sa nakaraang puno ng sakit
At makalimutan na
Ang lahat ng pait

Na siyang nakaangkas
Sa bawat pagbati mo. 
Sana, pagdating ng bukas
Ay tumamis na ang mga ito.

Nakakulong sa kahapon,
Naghihintay sa kawalan.
Lumabas na sa kahon
At mga puso'y pakawalan. 

Nandito lang naman ako, 
Umaasa at naniniwala
Na bukas, ang sagot mo
Sa tanong na "Mahal mo pa ba?"

—Ay sana "hindi na."


Active Now | July 26, 2018 | Bannie Bandibas

Friday, July 20, 2018

SALAMIN NG BUHAY

#Dagli_KADLiT

#Dagli_Sigalot

ENTRY #16


Salamin Ng Buhay


Di ko alam kung bakit ako umiiyak. Umaalingaw-ngaw sa buong bahay ang sigaw kong hindi mo maintindihan kung anong tindi ng nararamdamang sakit o problemang aking nararanasan. Hangga't may telang ibinalot sa aking katawan at isang mainit na bisig ang yumakap na nagpaalis sa ginaw. Iminulat ko ang aking mga mata, tanaw ko ang matamis niyang ngiti—kasabay ng paghele niya sa akin. Isang Anghel.


Napalingon ako sa aking likuran at isang mahiwagang bagay ang aking nakita. Tinitigan ko ito, pansin kong ginagaya ng babae sa bagay na iyon ang aking ginagawa. Sinimulan kong tanggalin ang telang nakatakip sa aking ulo at nagsimulang humaba ang aking buhok. Pinagkumpol ito ng Anghel at tinalian. "Maganda ka!" Bulong niya sa akin.


Inilabas ko ang aking mga kamay at hinawakan ang pluma. Tiniruan niya akong magsulat ng mga letra. "Mag-aral ka nang mabuti upang bukas ay may maipagmalaki ka," sabay tapik sa aking balikat.


Habang ako'y natototo at naiimpluwensyahan na ng mundo, hindi ko na naririnig ang boses ng Dilag o baka hindi ko pinapakinggan. Napatingin ulit ako sa salamin at napansing may pagbabago sa aking katawan. Hinubad ko ang nakabalot sa aking hinaharap, nagulat ako sa aking nasaksihan. Tinakpan ito ng Anghel ng isang nabibinat na bagay pagkatapos ay nagpaalala, "Marami ang magbabago ngunit nandito lang ako palagi para gabayan ka, ligtas ka kapag ako ang iyong kasama." Ngunit tila may takip ang aking tenga, lumabas ng bahay at naghanap ng mga bagay na akala kong kasiya-siya.


Natangpuan ko ang mas malaking bersiyon ng bagay na nagpapakita ng aking repleksiyon. Nagkalat sa sahig ang itim na toga, medalya, at marami pang bagay na nabanggit ng Anghel na siyang magpapaligaya sa akin. Yumuko at nagsimulang pinulot ang mga ito ngunit napatigil ako. May humawak sa aking baywang, tuluyang nahubad ang telang nakabalot sa ibabang parte ng aking katawan. Nakadama ako ng sarap at binitiwan ang mga bagay na aking pinulot. Humarap ako sa taong iyon at nagaapoy siya, dama ko ang init na tuluyang nagtanggal sa natitirang ginaw sa akin—sa aking puso.


Napasilip ako sa aking tiyan at unti-unti itong lumulobo. Siyam na minuto ay may lumabas na isang nilalang mula sa aking sinapupunan, todo sa pag-iyak. Binalutan ko siya ng tela at niyakap, tumigil siya sa pagluha. Naalala ko ang Anghel, ganitong-ganito ang ginawa niya sa akin noon.


Napatingin ako sa aking harapan ngunit hindi ko na maaninag ang taong naglalagablab. Inilibot ko ang aking paningin at muling napatanaw sa bagay, mag-isa na lamang ako na karga-karga ang mahimbing na natutulog na nilalang. Napansin kong nagbago na ang hugis ng aking katawan, nangayayat at itsurang tila hindi nakakakain ng maayos. Bumalik ang ginaw sa aking puso at hirap na hirap sa pagkarga ng mga mabibigat na suliranin na dumarating sa akin. Nagsimulang tumulo ang aking luha, pagsisisi ang aking naramdaman. Ako'y nagkamali.


Naglakad ako at hindi napansing nasa harap na pala ako ng aming bahay. Pumasok ako sa loob na may takot sa puso, baka ang Anghel ay maging Demonyo kapag makita niya akong ganito. Sumilip ako sa pinto ng aking kwarto at natanaw siya. Nagbago na rin ang kaniyang itsura, kumulubot ang kaniyang balat. Napalingon siya sa akin at imbis na galit ay ngiti ang ibinungad niya sa akin. Dali-dali akong tumakbo papunta sa kanya, niyakap ng mahigpit—parehong init ang aking naramdaman. "Patawad Anghel, kung sana'y nakinig ako sa iyo ay hindi sana magkakaganito ang buhay ko. Patawarin mo ako." Isang mahigpit na yakap ang isinagot niya sa akin, humagulhol na lamang ako sa pag-iyak. Napapikit at nilasap ang bawat sandali.


Habang nagyayakapan ay biglang lumamig ang paligid kasabay ng paglamig ng yakap-yakap kong katawan. Tumigas ito at unti-unti nakakalas ang aking mga bisig sa pagkakayakap. Iminulat ko ang aking mga mata at natangpuan ang sariling nakasandal sa puting parihabang kahong gawa sa kahoy. Napatingin ako sa aking harapan at tanaw ko ang aking sarili na kamukha ng Anghel sa bagay na tinatawag nilang salamin—salamin ng buhay.

*Certificate of Participation*


Salamin ng Buhay | July 21, 2018 | KADLIT | Dagli | Partisipante | Bannie Bandibas






Sunday, July 15, 2018

GUHIT NG HUBAD

 Guhit ng Hubad

ni Bannie Bandibas


Handa na ang lapis at pambura

Na nakapatong sa lamesa.

Nakasabit na rin ang tuwalya,

Pampunas ng pawis sa mata.


Isa itong pakikidigma ng tagaguhit,

Sa sketchbook ay hinigpitan ang kapit.

Kailangan niyang ipadama ang sakit

O saya na dapat ay walang pait.


Pumasok ang isang dalaga

Na ang mukha'y totoong maganda.

Tumitig siya nang may tuwa

Ngunit mga mata niya'y may bakas ng luha.


Nang makaupo na sa sofa,

Ang tagaguhit ay biglang nagsalita.

"Hubarin mo na ang iyong saya

At basain ang katawan ng tubig sa lawa."


Hindi naintindihan ng dilag ang utos,

Ngunit naghubad siya hanggang maubos

Ang saplot sa katawan at nagbuhos

Ng tubig—sa balikat niya'y humaplos.


Ang tagaguhit ay muling nagsalita,

"Tumingin ka sa akin, Ganda,

Hawiin ang buhok at iyong ipakita

Ang larawan ng tunay na nadarama."


Nagsimulang gumuhit ang mama,

Maraming beses siyang nagbura.

Ang dalaga ay sobrang nagtaka,

Ang tagaguhit na ito'y magaling nga ba?


Naisipan ng dilag na ngumiting marahan,

Ngunit siya ay natigilan. 

Kakaiba ang kaniyang naramdaman

Nang masilayan ang iginuhit na larawan.


Hindi mga kurba ang kaniyang nakita,

Kundi isang maikling talata—

"Magpakatotoo ka!" Di na niya napigilan ang pagluha.

"Patawad, hindi ako isang tagaguhit—ako'y makata."


July 16, 2018 | Guhit ng Hubad | Behind the Verses

Saturday, July 14, 2018

AKAP BALAGTASAN 2018


| KunEho—Editor, Cerificate Artist
Akademyang Pampanitikan
Balagtasan 2018

Tuesday, July 10, 2018

MENSAHE SA LIKOD NG MENSAHE

Mensahe sa Likod ng Mensahe

Sa bawat kong pagsabi
at pagpapaalala sa iyo
ng "Mag-ingat ka palagi"
ay may mensaheng nakatago?

MAGanda ka,
lalo na ang iyong kalooban--
isang Maria Clara
na puso'y puno ng kabutihan.

Iniibig kong prinsesa,
iba ka sa kahit kanino—
malambing, maaruga,
ngunit katapanga'y mala-sundalo.

NakangaNGATog kausap,
pagka't sa taglay na kahinhinan
ay nakatatakot na maitulak
ang kulo sa loob na iniingatan.

KAgalingan. Di mapagkakaila
na ikaw ay tunay na matalino--
magaling ka rin magpatawa,
sertipikadong kalog at mapagbiro.

PAnatilihin mo sana
ang pagiging isang ihemplo
ng matibay na pananampalataya
at paniniwala na buo.

LAgi ka mang nakararamdam
ng sakit at pagkapagod—
alam mo, sa iyong kahinaan,
siya ang sa mga luha'y sasalod.

GInang Marikit, munting binibini—
ang mensahe, ngayon ay naipahayag.
Ang mga salita ay ipinid mo sa mga sipi
at baunin mo sa iyong pagalalayag.

07/11/18


Mensahe sa Likod ng Mensahe | July 11, 2018 | Bannie Bandibas

Monday, July 9, 2018

PLEUMANIMOX DAUCAS BANUY

"He barely talk. He speaks through his ink."



Pleumanimox Daucas Banuy | July 10, 2018 | Bannie Bandibas

Monday, July 2, 2018

AKAP FATHER'S DAY SPECIAL 2018


| KunEho—Editor, Cerificate Artist, Organizer
Akademyang Pampanitikan
Father's Day Special 2018

A REVIEW ON: KAPOY NAKO

π Dili ni pwede basahon habang naa pud kay ginaagian ug maskin igawas lang sa usa ka lugar na daghang tao ang naay ginabati (e.g. ospital). ...