Bannie | PleumaNimoX: April 2020

Search This Blog

Monday, April 27, 2020

SANA'Y MAGING GINTO

Sana'y Maging Ginto
ni Bannie Bandibas

Inaaliw ang sarili
Sa kabila ng kalungkutan
Na matagal nang ikinukubli.

Hawak ang larawan
Na laman ang mga ala-ala
Mula no'ng nakilala hanggang lumisan.

Gabi-gabing lumuluha,
Sapagkat dama ko ang sakit
Ng mga binitawang huling salita.

Puno ng pait
Ang katagang "hindi na kita mahal",
Puso ko'y namilipit, unti-unting napupunit.

Bakit mo pa pinatagal
Kung iiwan mo rin naman ako?
Bakit hinayaan mo akong sumugal?

Sumugal sa inakalang ginto,
Isa palang bato na binalutan
Ng lahat ng mga kasinungalingan mo.

Ako'y hinayaan
Na mapukol at magising
Sa katotohanang matagal na itinago.

Isa akong duling
Na nasilaw sa diyamante,
Inakalang tapat--puno pala ng lihim.

Dala ko'y isang bagahe,
Maraming batong nagpapabigat.
Dala ko pa rin, nagtitiis, nagkukunware.

Sa kabila ng lahat,
Umaasa pa ring maging ginto
Ang pag-ibig na sa aki'y nagbigay ng sugat.


Sana’y Maging Ginto | April 28, 2020 | RSP | Bannie Bandibas

Thursday, April 23, 2020

UY, MARS

"Uy, Mars!"

#GlobalAstronomyMonth2020
#GAM2020PH
#StayAtHome
#ShareYourAstroArtInTimeOfCovid19
#DAY24

POSTER NG LAHOK

Uy, Mars | April 24, 2020 | Philippine Astronomical Society, Inc. | Global Astronomy Month | Partisipante | Bannie Bandibas

Monday, April 20, 2020

PAANO

#Challenge by Cloud Rain Rosas accepted...

Paano
ni Bannie Bandibas

Paano kita sasagipin mula sa pagkakalunod
o paano maiiwasan ang iyong pagkaanod
sa di malaman kung paano nabuong delubyo
kung ayaw mong kumapit sa pisi, mahal ko? Paano?

Paano ako maniniwala sa iyong mga salita
kung sa likod nito'y may "paano ko ito magagawa?"
Paano ako makasisiguradong nakalaya ka na
kung sa mga mata mo'y "paano ako makakawala" ang nakalista.

Paano ko susubukang tulungan ka sa kalugmukan mo
kung "paano ako magiging masaya" pa rin ang nakikita ko
kahit nandito naman ako. Paano naman ako?
Paano si Natoy na tunay na nagmamahal sa 'yo?

Paano mo ko kukumbinsing manatili sa iyong mga yakap
kung "paano kaya kung bumalik siya" ang sa isip mo'y nangungusap?
Sana hindi ako umabot sa puntong ang mga paanong ito
ay mapalitan ng "paano kung napagod na ako?" Paano ka na, mahal ko?

Paano | April 21, 2020 | Bannie Bandibas

Sunday, April 12, 2020

BEST PART

Best Part

Nagising ako sa isang malakas na tunog ng tila dalawang kahoy na pinaghampas. Bumangon ako't tatanungin na sana kita kung ano 'yon ngunit mahimbing ka pa palang natutulog. Napakaganda mo pa rin kahit pareho na tayong kumukulubot ang balat. Limampung-taon na tayong kasal pero dama ko pa rin ang init ng pagmamahal mo sa akin. 

Ilang minuto ang lumipas, idinilat mo na ang iyong mga mata. Napangiti ka dahil nahuli mo akong parang tangang nakatitig sa 'yo pero hindi ako natinag. Nagpatuloy akong pinagmamasdan ang pungay ng iyong mga mata at mayumi mong labi. 

Bigla kang bumangon at napakagat-labi. Hinila mo ako papalapit sa 'yo at agad hinagkan. Dama ko ang tamis ng mga sandaling iyon, parang ayaw ko nang ito'y matapos pa. 

Pagkatapos mo akong halikan ay ilang segundo tayong nagkatitigan.

"Kung ang buhay ay isang pelikula, ikaw ang paborito kong tauhan." Sambit mo na sinundan ng pagtawa na tila kinikilig.

Sagot ko nama'y "kung ang buhay ay isang pelikula, ito ang paborito kong eksena." Sa pagbitaw ko ng mga katagang iyon ay napawi ang iyong kasiyahan at napalitan ng lungkot. Ako'y nabagabag sa iyong reaksyon.

"Kalimutan mo na ang eksenang ito." Sabi niya habang naluluha ang mga mata. "Pakawalan mo na ako sa mga ala-ala mo." Dagdag pa nito.

Oo nga pala, ito 'yong huling umagang nakasama kita. Huling paggising na nasilayan ko pa ang maganda mong mukha. Huling eksena bago ang mga salitang iyon ay banggitin ng mama.

"Cut! Good take!" Sigaw ng direktor sa amin. 

Best Part | April 12, 2020 | Bannie Bandibas

Friday, April 10, 2020

ALAM KO


ALAM KO
by: Bannie Bandibas

Sambit nila ang mga katagang
Di ko alam kung paano sisimulan
Ni tatapusin ang tulang ito
Pero ako, oo, alam ko.

Alam ko kung paano ka ngumiti
Ni ang tono ng iyong paghikbi,
Alam ko kung kelan ka masaya,
At ang mga oras na ikaw ay sawi.

Nakabantay ako sa bawat kilos mo,
Sa bawat pagdilat ng iyong mga mata,
Hanggang sa bawat pintig ng puso mo,
At bawat tawa na akin ring ikinatutuwa.

Alam ko rin ang mga tinatago mo
Mga hapdi, pighati at sigaw ng puso mo
Sigaw sa bawat pagsugat at pagkadurog nito,
Ako, ako ang saksi sa bawat pagluha mo.

Ako, na di napapansin, ni naaaninag,
Di naririnig, nadarama't naiintindihan,
Ngunit naghihintay parin sa iisang tawag,
Upang mapahilum ko ang bagyong nararanasan.

Alam ko kung paano nabuo,
Ang bawat butil ng lupang tinatapakan mo,
Ang hangin na nilalanghap mo,
Kaya't hayaan mong buuin ko ang kulang sayo.

Hayaan mong buuin ko ang bawat piyesa,
And bawat parte ng nadurog mong puso,
At muli kong bibigyang buhay,
Ang pag'asa na ika'y muling makakatayo.

At kasama mo akong maglalakad
Sa daang puno ng pagsubok at katitisuran,
Ngunit sa pagtitiwala at pananampalataya,
Pagmamahal ko ang madarama't di na muling masasaktan.
-Hesus

SWPU VILLANELLE POETRY WRITING CONTEST 2020


| Kuneho—Editor, Certificate Artist, Organizer
Spoken Word Poetry University
Villanelle Poetry Writing Contest
Pangako Sa Sarili
2020

Monday, April 6, 2020

ANG HABI, TATLONG TULA PARA SA PANDEMIKONG PANAHON

LINK OF THE FULL COPY OF THE ZINE


Tatlong Tula para sa Pandemikong Panahon

Takas Sa Kulungan

Ang tahimik ng paligid. Maliwanag.
Naririnig ko ang bawat yabag
Ng paang muling nakadampi sa lupa, 
Mga hakbang na simbolo ng paglaya.

Mas mabango ang paligid. Kalinisan,
At kapayapaan ang nasasaksihan.
Sabik kong inilibot ang aking paningin,
Masaya pero bakit puso'y malungkot pa rin?

Nakikita ko ang ngiti ngunit dama ang pighati,
Pagkat kami nga'y nanalo ngunit nanatiling sawi.
Nakaligtas sa dilubyong noo'y rumagasa, 
Ngunit itong lugar ay di na matatawag na bansa.

Bakit? Itanong mo sa akin, sa kanila.
Ang sagot nami'y iisa. Hindi ito bansa.
Pagkat walang bansa na ang mamamaya'y madamot,
Tipong ang iba'y nakahilata habang iba'y masalimuot
Ang kalagayan. Wala man lang mapagtaguan,
Pinabayaan kung saan, sa labas ng kulungan.

Nakaligtas nga kami't nanatiling buhay
Ngunit ang pagiging makatao'y tuluyang namatay.

LITRATO NG LAHOK



***
DAGDAG NA MGA LAHOK NA HINDI NATANGGAP:

Eksena Sa Higaan

Nakatitig sa kisame nitong kwarto.
Ano nga ba ang ginagawa ko rito?
Kasama ay isang magandang binibini,
Nakatali ang buhok at suot ay puti.

Lumapit siya sa akin at ako'y hinubaran, 
Inayos ang pwesto ng aking katawan.
Hinaplos ang mukha, ipinikit ang mga mata.
Parang sanay siya sa kanyang ginagawa.

Bigla akong nakadama ng sobrang init.
Ngunit di ako pinagpapawisan. Bakit?
Baka. Hindi. Sana'y mali ang nasa isip. 
Sana. Sana isa lamang itong panaginip.

Ayaw kong lumisan sa ganitong paraan,
Ganitong walang drama at mga iyakan.
Pakiusap. Ayaw kong maglaho dito sa mundo
Nang di man lang nayayakap ang mga mahal ko.

Tuluyang naging abo. Natapos ang buhay
At tila marami pa ang bilang ng namamatay,
Ngunit di ako nawawalan ng pag-asa.
Ang sakunang ito'y matapos na sana. Sana.

***

Alay Namin Ay Saludo

A—lay kayo ng Diyos sa mundo,
L—ikhang ikinatuwa Niyang likhain.
A—ng handugan kayo ng isang saludo,
Y—on ay ikagagalak naming gawin.

N—inakaw ng sitwasyon ang inyong oras
A—t nabugbog para lang kami'y pagsilbihan.
M—insan kahit ang trabaho'y lumagpas,
I—isipin na lang na ito'y para sa bayan
N—a labis n'yong minamahal.

A—mbag namin itong mensaheng patula,
Y—aman nawa'y tanggapin at magustuhan sana.

S—alamat sa pag-aalay ninyo ng buhay nang hindi pinipilit
A—t sa buong pusong paglilingkod kahit kalagaya'y maipit. 
L—akbayin man ay mahaba at nakakatakot suungin ngunit
U—masang inyong sakripisyo ay may kabutihang kapalit.
D—arating ang panahon na mawawala na ang mga sakit,
O—ras na payapa at malaya sa pag-aalala, balang araw ay makakamit.

PASKIL NG MGA KONTRIBYUTOR

LITRATO NG ISINA-PAPEL NA PUBLIKASYON

Tatlong Tula para sa Pandemikong Panahon | April 7, 2020 | Project Sigya TV | HABI | Kontribyutor | Bannie Bandibas

LITRATO NG ISA SA MGA PAHINA

LITRATO NG NILALAMAN

LITRATO NG HARAP NA PABALAT

Saturday, April 4, 2020

NIGHT SHIFT

Night Shift
ni Bannie Bandibas

Gabi-gabing binubulabog ng ingay sa bubong ng bahay ng mga kapitbahay namin ang aking pagtulog. Mga ilang araw na rin ito simula noong nabalitaan naming maraming nabuntis noong kasagsagan ng "quarantine" at hindi ko talaga maintindihan kung bakit sa amin lang ang walang kumakalabog. Di ko maiwasang magtaka, kaya isang gabi ay sinubukan kong akyatin ang bubungan namin upang suriin kung mayroon bang kakaiba't dahilan kung bakit 'di kami binubulabog.

Sa unang hakbang ay nayupi agad ang yero at gumawa ng ingay ngunit 'di ako nagpapigil. Nilibot ko ang buong bubungan hanggang sa sitahin na ako ni Inay.

"Hulyo, ano bang ginagawa mo diyan sa taas? Bumaba ka na nga diyan." Bulyaw sa akin ng ina.

"May hinahanap lang ako po ako, Inay." Sagot ko.

"Sige na nga, basta huwag mong butasan ang bubong natin ha? Tiyaka, bilisan mo kasi aakyat pa kami maya-maya sa bubongan ng kapitbahay. Magbantay ka rito."

Night Shift | April 5, 2020 | Bannie Bandibas

Thursday, April 2, 2020

FPC PATIMPALAK SA PAGSULAT NG TULA 2020


| Kuneho—Certificate Artist
The Frustrated Poet
Patimpalak Sa Pagsulat Ng Dagli
The Frustrated Poet's Choice: Let's Spread The Good Vibes, Not The Virus
2020

A REVIEW ON: WORDS FROM WATER (SECOND EDITION)

π Reading this zine made me feel being more human. Your feelings are valid. Your experiences are real. You are not a malfunctioned robot in ...