Bannie | PleumaNimoX

Search This Blog

Thursday, August 11, 2022

ANTIPARA

Antipara

Bumabalik sa aking isipan ang mga alaala
ng kamusmusan, isang munting bata,
na may mayumi't malilinaw na mga mata—
ngunit malabo pa kung saan ba papunta.

Inosenteng isip at malinis ang kalooban
ang siyang aking laging tangan-tangan
subali't sariling anyo ay di maintindihan—
puso't utak ng bubwit ay naguguluhan.

Sa likod nitong aking pagkuti-kutitap,
ako'y tala bang may minimithing pangarap
o isang bulalakaw na sa isang iglap
ay biglang maglalaho, singbilis ng pagkurap.

Sa aking paglaki ay lumalabo ang paningin,
tila ba'ng kaliwanagan ay ninanakaw sa akin—
patutunguhan ko'y di pa rin makita,
tila isang ibon na nakakulong sa hawla.

Lumipas ang panahon at hindi ko na matiis,
ang pagbabalat-kayo ay kailangan nang maalis.
kung hindi ko maaninag ang kulay at hugis
ng tunay na ako, nararapat nang ako ay magbihis.

Nagsuot ng polo, pantalon at sapatos na pula,
isinaboy ang pabangong singbango ng gumamela
at tiyaka isinukbit ang nanilaw ko nang antipara—
sa salami'y binata, akay ng diwa ko'y isang nena.

#Akosaloobatlabas

 

SERTIPIKO NG PAGKILALA

SERTIPIKO NG PAGKILALA - PAMAGAT

SERTIPIKO NG PAGLAHOK

Antipara | August 12, 2022 | Para Sa Anino | 2nd Activity | 25th Place | Bannie Bandibas

Friday, August 5, 2022

NANG PINALAYA ANG DILA

 



August 5, 2022 | Nang Pinalaya Ang Dila | Kabataang Kabalikat sa Kinabukasan | Partisipante

Wednesday, June 29, 2022

NBDB COR NO. 5666

Rehistrado
(Sertipiko) 

   Ang una kong sertipiko bilang rekognasyon sa aking pagiging rehistradong awtor at manunulat. Unang beses ko ring mag-apply sa National Book Development Board at sa awa ng Diyos ay na-aprubahan. Sigurado akong hindi lamang ito mananatiling rekognasyon kundi magiging kapitan ko ito upang maging produktibo sa araw-araw bilang isang manunulat. Magmumulat hangga't kaya ng mga sulat.


Scanned Copy of the Certificate of Recognition


Photographed Copy of the Certificate of Recognition
   


   Publications Contributed and Produced Before Registering to NBDB



Envelope where NBDB safe-kept My Certificate and Sent thru PHLPost

Tuesday, June 28, 2022

PAHINA NG KALENDARYO

Pahina ng Kalendaryo

Matagal-tagal na rin akong nakakulong sa isang madilim na sisidlan--nakaupo, nakaluhod at minsa’y nakahiga. Wala akong makitang kahit anong uri ng liwanag. Alam kong matagal na pero hindi ko bilang ang mga araw ng aking pananatili at ilang pahina ng kalendaryo na ang napunit mula no’ng huling masilayan ang araw. Nag-iisa ngunit hindi nakadama ng lungkot, masarap yakapin ang katahimikan hanggang sa isang iglap ay may naaninag akong kislap mula sa maliit na butas. Sumilip mula roon, napabuntong hininga. Lumingon, nakita ko siyang muli at napasabi na lamang ng “baka isang bagong kalendaryo pa, kaibigan, dito na muna ako.”

#PSACUATROCANTOS

KATIBAYAN NG PAGKILALA

SERTIPIKO NG PAGLAHOK


SKRINSYAT SA BIDYO NG PARA SA ANINO

Pahina ng Kalendaryo | June 29, 2022 | Para Sa Anino | Pagsulat ng Dagli | 10th Place | Bannie Bandibas

DISTANSYA

Distansya

Una kitang nakilala bilang isang bugtong,
hindi makasalita, sigaw, at kahit bulong
ngunit sabi nila’y lagi kitang kasama--
nawawala, nakikita pero ‘di madama
at tulad ng isang bugtong na napakahirap
ay di rin kita maintindihan. Kukurap kurap.

Mawawala ka na lang nang isang iglap
sa pagtago ng araw sa makulimlim na ulap
kahit na hindi pa nagsisimulang umiyak--
pagdamay mo minsan ay di ko na rin tiyak,
kung nadiyan ka ba, kasama pa ba kita
o nang-iwan ka na rin tulad nila. Tutunga-tunganga.

Iniisip kung kaya bang sagutin ng matematika
ang tamang layo at distansya natin sa isa’t isa
sa bawat oras at panahon, kalmado o maalon,
pagkat nais kong tumakbo papalapit--tumalon
patungo sa iyo at yakapin ka nang mahigpit,
tanggalin mo ang mga sakit. Papikit pikit.

Tuluyan akong nabulag, nadagdagan ang pait
na sa lalamunan ko’y kumakapit at gumuguhit
hanggang sa napilitan akong isuka ang lahat
kasabay ng pag-agos ng dugo sa mga sugat--
hiningal ako, pagod, sa pader ay napasandal
at nakita kitang muli sa labis kong pagpapagal.

Tunay ngang ika’y malapit, walang isang dangkal,
basta’t ako’y sa ‘yo lang didikit. Dadasal dasal.

#PSACUATROCANTOS

SERTIPIKO NG PAGLAHOK\

KATIBAYAN NG PAGKILALA


LIBRONG NAPANALUNAN BILANG KAMPEON

SKRINSYAT SA BIDYO NG PARA SA ANINO

PASKIL NG PARA SA ANINO


GAWAD GASERA - SERTIPIKO

GAWAD ESTRELYA - SERTIPIKO

GAWAD BAHAGHARI - SERTIPIKO

PASKIL - GAWAD AGILA - SERTIPIKO

Distansya | June 29, 2022 | Para Sa Anino | Pagsulat ng Tula | Kampeon | Bannie Bandibas

(90.50 %)
— Gawad Gasera 2022 (Best in Title)
— Gawad Estrelya 2022 (Best in Content)
— Gawad Bahaghari 2022 (Most Creative Piece)
— Gawad Agila 2022 (Technicality Master)

Ikaw ang kauna-unahang Aníno ng Kampeonato ng pahinang Para sa Aníno sa Kategoryang Pagsulat ng Tula.

Saturday, June 11, 2022

MINDANAO STATE UNIVERSITY - BUWAN NG WIKA - KATAGAN



C:\Users\User\Downloads\HEADER.png


21 Hulyo 2022



G. BANNIE BANDIBAS

Fellow

Likhaan: University of the Philippines Institute of Creative Writing



Mahal na G. Bandibas:


Kalinaw!


Ang Buwan ng Wika ay ginugunita taon-taon upang ipagdiwang ang ating pagka-Filipino. Sa bisa ng Proklamasyon Blg. 1041, serye 1997, ang taunang pagdiriwang tuwing Agosto 1-31 bilang buwan ng wikang pambansa. Bilang pagtalima sa nasabing proklamasyon, sa taong ito, ang Mindanao State University- General Santos sa pangunguna ng Departamento ng Filipino at Samahan ng mga Mag-aaral ng AB-Filipino, sa pakikipagtulungan sa Samahan ng Filipino sa Edukasyon, kaagapay ang Sentro ng Wika at Kultura Rehiyon XII, at ng Komisyon sa Wikang Filipino (KWF) ay nakikiisa sa gawaing ito.


Ngayong taon ay ilulunsad ang Katagàn: Pagsulat ng Akdang Pampanitikan bilang bahagi ng pagdiriwang sa Buwan ng Wika 2022 na may temang “Filipino at Katutubong Wika: Kasangkapan sa Paglikha at Pagtuklas”

Kaugnay nito, kayo po ay inaanyayahan namin bilang Hurado sa nasabing patimpalak.  Ang inyo pong pagpapaunlak sa aming imbitasyon ay magiging daan sa ikatatagumpay ng programang ito.

Ipinapauna na po namin ang aming marubdob na pasasalamat.


Lubos na gumagalang, 

JANICE G. CADORNA

Pangulo, SABFIL



Itinala ni:

LOVE I. BATOON, MA

Tagapayo, SABFIL

    

                                                                                                                                                           

Pinagtibay ni:

DEBBIE M. CRUSPERO, PhD.

Tagapangulo ng Departamento

Direktor ng Sentro ng Wika at Kultura- MSU Gensan




 

Wednesday, June 8, 2022

HALIK SA BATO

Halik sa Bato

Malamig ang simoy ng hangin sa inakyat kong bulubundukin. Mag-isa akong nag-hiking sa gitna ng matataas na puno. Ang dahilan ng paglalalagalag ko ay upang makalimot sa masalimuot na nangyaring pagsasamantala sa akin kaya pinili kong magkaroon ng oras mag-isa at magliwaliw. Isa pang dahilan ng aking pag-akyat ay upang humalik sa isang malaking bato na ukol sa sabi-sabi ay nagbibigay ng swerte sa pag-ibig.

Habang papaakyat ako ay may kakaiba akong naramdaman. Tila may anino akong naaninag sa magkabilang gilid ko. Nakaramdam ako ng takot kaya binilisan ko ang paglalakad kahit sobrang nakahihingal.

Nakarating ako sa bato. Kulay berde ito dahil nakapalibot na lumot na parang nakakadiri ngunit pinilit kong humalik. Wala rin namang mawawala kung maniniwala ako sa pamahiin.

Ilang oras ang nakalilipas matapos kong makarating sa bahay galing sa buong araw na pag-akyat, may masama akong nararamdaman sa tiyan ko. Baka may kung ano na nakasira ng aking sikmura. Nang tumagal ay mas lalong itong kumirot kaya tumawag ako ng ambulansya at isinakay nila ako papunta sa ospital.

Pagkarating ay sinuri ako agad ng isang doktor at isang nurse. Nakangiti sila sa akin habang nagsasalita ngunit di ko sila maintindihan. Napatigil sila sa pagsasalita nang makita nilang akong nagsimula nang umiyak. Lumapit ang nurse. “Huwag kang matakot, magiging maayos ang lahat. Alam kong unang beses mo ito pero maalalgpasan mo rin ito.” Medyo naguluhan ako sa kanyang sinabi pero napatahan ako.

Ilang sandali ay may pumasok na isang lalakeng nakaputi na may dalang pagkain. Agad ko siya sinabihan ng “pakilapag na lang po diyan, Nurse.” Tumawa lang ang lalake at sumagot, “tawagin mo akong Mahal.” Nagulat ako at napatitig sa kanya. Lumapit siya sa akin at nagsalita, “gagaling ka rin at sabay nating aalagaan ang magiging anak natin.” Dumagdag pa ang doktor at nurse ng “Oo, anak, magiging masayang pamilya kayo kahit na may sakit ka sa pag-iisip.” Napatulala lamang ako.

Muling sumakit ang aking tiyan, sa sobrang sakit ay napatayo at sinubukang lumabas. Pinigilan ako ng lahat ngunit nagpumiglas ako at napasigaw, “natatae lang ako!” Lumingon ako at napatingin sa unan na nasa higaan. Dolores Mental Hospital.

 

PASKIL NG FILIPINO FICTION

Halik Sa Bato | June 9, 2022 | Filipino Fiction | 8th Flash Fiction Competition | Top 10 from Long List | Bannie Bandibas


PASKIL NG FILIPINO FICTION

Tuesday, May 31, 2022

SLOGAN 3 - PAPERLINK

 

LITRATO NG LAHOK

SERTIPIKO NG PAKIKILAHOK

June 1, 2022 | Paperlink | Slogan Making Contest | Consolation | Bannie Bandibas

Monday, May 30, 2022

LIKAS NA YAMAN

#KampiWriconMayo2022

Likas Na Yaman


Kung ako’y magiging isang bagay,
nais kong maging isang binhi--
nag-umpisang walang isang kulay,
pagtubo, daho’y palaging lunti.

Berdeng parteng pinakamahalaga
nang halama’y sumibol na malusog,
kahit may panahong di maganda
at may mga araw na hindi busog.

Nananatiling nakatayo para sa tao,
at bansa, ang sinilangang bayan--
sarili’y magiging matatag at buo,
buhay ay para sa inang kalikasan.

Likas na yaman ng Pilipinas
ang siyang nag-iisang susi,
at agrikulturang pinapalakas
ang pintuang Kanyang pinili.

Magbubukas para sa pag-asa
at liwanag ay muling masisilayan,
yayabong ang lupang pinag-isa
na yakap ang sa mundo’y luminang.

Diyos ang magiging makinang na araw,
katapangan ang lupang titindigan,
at tao ang tiyak na magpapa-apaw
ng pag-ibig, kapayapaan at paninindigan.

KRITIKO NG HURADO:
Maganda ang nilalaman. Inilalarawan nito sa isip ko ang nais niyang sabihin. Nakulangan lang ako sa kariktan. Wala ring gaanong talinhaga para mas maging malikhain ang dating. Sa teknikalidad, maging aware na lang sa consistency at paggamit ng kuwit at tuldok. Kung kailan ito dapat itigil (,) at kung kailan ang tamang tapos (.). -Ginoong Ibarra

Nagustuhan ko ang pagtutulad na ginamit bilang imahe ng tula. Maayos na binalangkas ang mga salitang ginamit para mai-ugnay sa punto. Bagamat iwasang paulit - ulit na gamitin ang isang salita sa mga taludtod, kung hindi naman ito ayon sa pormang pinapakita. Dapat tandaan kung kailan lang ginagamit ang malaking titik sa unahan ng salita. 
-Sir Bench

SERTIPIKO NG PARTISIPASYON

Likas Na Yaman | May 31, 2022 | Katipunan ng mga Manunulat sa Pilipinas | Pagsulat ng Tula | 88.26% | Bannie Bandibas

Wednesday, May 25, 2022

PALAD

 RVD 2022 WRICON

AUDITION ENTRY 18

---

PALAD

ni Bannie Bandibas

(Slice of life)

---

Tanaw ko ang malawak na bukid, ang mga magsasakang patindig-yuko sa ilalim ng sikat ng araw at ang mga pananim mula sa asotea sa ikatlong palapag ng aming mansyon. Pinakikinggan ko ang huni ng mga ibon, tahol ng mga aso, ingay ng iba pang mga hayop na tila isang musika sa aking tainga. Komportable akong naka-upo habang nakatalukbong ng isang makapal na kumot upang pananggalang sa malamig na panahon. Hawak sa kanang kamay ang tasa ng mainit na gatas at sa kabila naman ay isang pirasong pandesal. Labis ang kagalakang nararamdaman ng aking puso para sa ganitong buhay na nararanasan ko ngayon.

Tumayo ako at lumakad, pinapadaloy sa aking mga pisngi at mga kamay ang hangin na tila niyayakap ako.

Biglang may nagsalita sa aking likuran. “Kumusta ka rito, Maria?” Pamilyar sa aking ang boses ngunit hindi ko siya nilingon ngunit sumagot ako. “Maayos naman po. Napakasarap sa pakiramdam, parang gusto kong manatili na lamang dito.” Nagkaroon ng sandaling katahimikan. Nagsimula siyang humakbang papalapit sa akin, dinig ko ang yapak ng kaniyang sapatos at nakadma ako ng kaba. Niyakap niya ako mula sa likuran. Ang kaba ko’y napalitan ng pagkalungkot, napaluha ako sa hindi ko maintindihang dahilan. Napatingin ako sa mga taong nasa ibaba, nahihirapan sila. Napahagulhol ako at agad namang pinatahan ng taong yakap-yakap ako.

”Ano ang maaari kong gawin para sa kanila?” Napatanong ako ngunit hindi siya sumagot. Mula sa kalngkutan ay takot naman ang tumutusok sa aking kalamnan. Sinubukan kong lumingon ngunit hingi ko magawa pagkat may isang pares na kamay ang pumigil sa aking ulo. Pinipilit nitong tumingin ako nang diretso. Palakas nang palakas ang pintig ng akong puso hanggang sa sobrang kaba na aking bitbit. Nagpupumiglas ako ngunit may dumagdag na marami pang pares ng kamay na nakahawak na sa aking buong katawan. Hinihila ko ang aking mga braso at paa upang makawala sa kanilang pagkakahawak. “Ano ba? Bitiwan n’yo ako!”

Pagkatapos kong sumigaw nang malakas ay nagdilim ang paligid. Dahan-dahang bumitiw ang mga kamay ngunit nanatili ang mga kamay na nasa aking ulo. Pinihit niya ang aking ulo at pinatingin nang diretso sa aking harapan. Nakita ko ang isang puting bilog mula sa malayo na napansin kong papalapit sa akin. Imbis na madagdagan ang aking takot ay unti-unti itong nawawala. Tuluyang nakarating sa aking puwesto ang puting bilog na isa palang maliwanag na tila bunganga ang isang kuweba na may hagdan pababa.

Sa isang iglap ay lumakas ang liwanag at biglang may tumulak sa aking mula sa likuran. Nawalan ako ng balanse at muntik nang matumba ngunit may nag-abot ng kanyang kamay. Napahawak ako at napatingin. Isang magandang dilag, nagulat ako at muling kinabahan. “Senyora Fina! Kayo po pala iyan. Pasensya na po kung pumunta ako rito at pinakialaman ang gamit ninyo. Pasenya na po talaga, huwag n’yo po akong parusahan.” Iiyak na naman sana ako ngunit hinaplos niya aking pisngi. Nahimasmasan ako sa lambot ng kanyang mga palad.

“Huwag kang umiyak, hindi mo kailangang iyakan ang lahat ng pagkakamali. Sayang lang luha kung ibubuhos mo ito sa kasalanan ng kahapon.” Napatulala lang ako. Sinenysahan niya akong tumingin muli sa bukid gamit ang kanyang nguso na panturo. “Makakaya mo silang tulungan. Tumingin ka lang nang diretso at ako ang bahala sa mga kailangan mo. Likas ang aking yaman, na ipapaubaya ko sa iyong mga kamay. May tiwala ako sa iyo kaya humayo ka, aking Maria.” Napangiti ako. “Tiyaka, tawagin mo akong Inang Fina, Anak.”

---

(570 words)

May 25, 2022 | Palad | RVD One Shot Story | Partisipante

AUTHOR'S PUBLISHED WORKS (TBU POST)

Author: Bannie Magallano Bandibas NBDB Author/Writer Registration No. 5666 Pen name(s): Pleumanimox, Banuy, Numistmanunula Publication(s):...